Home NATIONWIDE Hosting ng Pinas sa ASEAN Summit, nagbigay ng trabaho, dagdag-kita sa mga...

Hosting ng Pinas sa ASEAN Summit, nagbigay ng trabaho, dagdag-kita sa mga Pilipino – PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang pagho-host ng Pilipinas sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang dahilan para makapagbigay ng trabaho at dagdag na pagkakakitaan ang gobyerno sa maraming Pilipino.

Tinatayang mahigit 400 pagpupulong at aktibidad ang isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong taon.

Ayon kay Pangulong Marcos, nakinabang sa mga aktibidad ng ASEAN ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga hotel, transportasyon, pagkain, pagmamanupaktura at malikhaing industriya.

“Bilang host ng 49th ASEAN Summit, mayroon din tayong napakalaking pagkakataon na manguna sa paghubog ng agenda at bigyang prayoridad ang mga usaping pinakamahalaga sa ating mga kababayan tulad ng presyo ng langis at pagkain, seguridad, agrikultura, trabaho at kabuhayan,” ang winika ng Pangulo sa kanyang vlog na inilabas, araw ng Huwebes.

Aniya, nagkaroon ng trabaho ang mga Pilipinong manghahabi, mananahi, designer, artista, mang-aawit, mananayaw, production crew, eksperto sa pagluluto, kawani ng hotel, drayber at mga lokal na manggagawa.

Sa kabilang dako, nagpasalamat naman ang Pangulo sa lahat ng tumulong sa paggawa ng mga materyales para sa mga aktibidad, paghahanda ng mga pagkain at pagtatanghal na nagpapakita ng talento at kakayahan ng mga Pilipino.

“Saludo po ako sa inyong lahat. Maraming salamat po,” anito.

Kasabay nito, pinalalakas din ng pamahalaan ang mga programa upang matulungan ang mas maraming Pilipino na makahanap ng trabaho, lalo na ang mga nawalan ng hanapbuhay at mga kabataang nagsisimula pa lamang magtrabaho.

Matatandaang, noong Setyembre, pinakilos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga regional office nito upang palakasin ang mga programa sa paghahanap at pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.

Inutusan din ng DOLE ang mga regional office nito na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at Public Employment Service Offices (PESOs) upang mas mapadali ang paghahanap ng trabaho at mapalawak ang mga programa para sa mga kabataang naghahanap ng hanapbuhay.

Sa pamamagitan ng pagho-host sa ASEAN Summit at pagpapalakas ng mga programa sa trabaho, layunin ng administrasyong Marcos na makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho at kabuhayan upang magkaroon ng sapat na kita ang mga Pilipino at masuportahan ang kanilang mga pamilya.

Alinsunod sa temang “Navigating Our Future, Together,” may buong tatag at malinaw na pananaw na gagampanan ng Pilipinas ang responsibilidad bilang tagapangulo ng ASEAN.

Sa pamamagitan ng ASEAN Summit, umaasa ang pamahalaan na mas makikilala ang Pilipinas bilang isang magandang destinasyon para sa mga turista at mas maraming dayuhan ang mahihikayat na bumalik sa bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here