LEYTE, Philippines – Ginagamot ngayon sa ospital ang isang guro matapos barilin ng kanyang mister sa hinalang may ibang lalaking kinalolokohan ang una, kahapon ng umaga sa bayan ng Tanauan.
Kinilala ang biktima na si alyas ‘Beth’, guro sa Tanauan School of Craftsmanship and Home Industries sa Barangay Canramos, Tanauan, Leyte.
Kasalukuyan naman nakakulong sa Tanauan Municipal Police Station ang suspek na si alyas ‘Dan’, at residente ng nasabing lugar.
Batay sa report ng pulisya, bandang 7:45 a.m., Oktubre 16, 2025 naganap ang insidente sa loob ng nasabing paaralan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok ang suspek sa naturang paaralan at pagkakita sa kanyang ang asawa (biktima) agad niya itong binarily gamit ang cal. 38 revolver.
Tinamaan ang biktima sa kanang balikat na agad naman dinala sa ospital para lapatan ng lunas.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen naabutan nila ang suspek at tinangka nitong sugatan ang sarili gamit ang bitbit na patalim. Pero kalaunan ay nadakip din ito.
Ayon kay PRO-8 Regional Director PBGen. Jason Capoy, posibleng selos ang motibo sa nasabing insidente.
Nakatakdang sampahan ng kasong frustrated parricide ang suspek. /Mary Anne Sapico