MANILA, Philippines – Sinabi ni QCPD Acting District Director, PCOL RANDY GLENN G SILVIO, ang matagumpay na anti-criminality operation na nagresulta sa pagkakahuli sa dalawang suspek na sangkot sa insidente ng robbery at carnapping sa Brgy. Old Balara, Quezon City, at ang pagbawi ng nakaw na motorsiklo at baril.
Ayon kay PLTCOL ROMIL C AVENIDO, Station Commander ng Batasan Police Station 6, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Vincent,” 29 anyos, residente ng Brgy. San Vicente, at alyas “Senen,” 17 anyos, residente ng Brgy. Krus na Ligas, parehong taga Quezon City.
Nabatid sa ulat ng QC police lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na dakong alas-7:10 ng gabi noong Oktubre 15, 2025, naghihintay sa harap ng Diliman Doctors Hospital ang biktimang isang service crew worker sakay ng kanyang itim na Honda Click 125 na motorsiklo nang lapitan siya ng mga suspek sabay tutok ng baril, at sapilitang kinuha ang motorsiklo at tumakas patungo sa northbound lane ng Commonwealth Avenue.
Agad namang nagsumbong ang biktima sa mga awtoridad kaya nagsagawa ng hot pursuit at follow-up operation ang mga tauhan ng PS 6.
Sa kanilang mabilis na pagresponde, naaresto ang dalawang suspek at narekober ang ninakaw na motorsiklo, kasama ang isang Caliber .38 revolver na kargado ng tatlong live ammunition na nakuha sa kanila.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 10883 o ang Anti-Carnapping Law at R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Pinupuri ko ang mga operatiba ng PS 6 para sa kanilang mabilis at mapagpasyang aksyon na humantong sa pag-aresto sa mga suspek at pagbawi ng ninakaw na motorsiklo. Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng aming hindi natitinag na pangako sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Quezon City habang patuloy naming pinaiigting ang police visibility, preventive patrols, at anti-crime operations upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng bawat QCitizen,” sabi ni PCOL Silvio. Santi Celario