PAG-IISIPAN pa ng pamunuan ng Department of Public Works and Highways kung pagbibigyan nito ang kahilingan ng Independent Commission for Infrastructure patungkol sa pagbiyak sa awtoridad ng Regional at District Offices ng naturang kagawaran.
Subalit hindi ito ang solusyon dahil kung bibiyakin ng pamunuan ng DPWH ang awtoridad ay tiyak na bibiyakin ng mga mandarambong sa ibaba ang presyo para sila pa rin ang may awtoridad na paglaruan ang mga proyekto.
Kung sa head office ang lahat ng procurement o bidding ng mga project ay mas madali para sa taumbayan na malaman kung kanino ang tinatawag na ‘accountability’ sakaling magkaroon ng pandarambong.
Sa mga imbestigasyon sa Kongreso at Senado maging ng ICI ay turuan nang turuan ang nagaganap hanggang ang magiging hatol ay kutsabahan ng mga mandarambong na kontratista, opisyal ng DPWH at kasama rin ang mandarambong na pulitiko.
Tuloy hanggang sa ngayon kahit lantad na ang mga maanomalyang proyekto tulad ng mga ‘ghost flood control project’ ay hirap pa rin ang gobyerno na matukoy kung sino-sino ang mga dapat isako sa sangkaterbang kaso ng pandarambong.
Mayroon tatlong uri ng proyekto! Ang Capital Expenditures o CAPEX projects na milyon na, bilyon pa ang presyo. Mayroon din tinatawag na Repair Projects tulad yung pinatigil kamakailan na Road Reblocking at Maintenance Projects tulad na lang ng Asphalting na kailangan kada taon.
Sa tatlong ito, CAPEX ang inaasam-asam ng mga mandarambong dahil malaking halaga ang proyekto kaya tiyak malaki ang magaganap na ‘divide-divide’ ika nga lalo kung lampas langit ang presyo na inilagay sa naturang proyekto.
Ito dapat ang kunin sa punong tanggapan ng DPWH! Lahat ng procurement o bidding ng CAPEX projects ay tanging ang secretary ng DPWH lang ang may awtoridad para kung magkaroon ng pandarambong ay tiyak mabilis at madaling maisako ang mga damuho.
Kapag ang naiwan sa gagawin na biyakan ng awtoridad sa proyekto ay Repair at Maintenance Projects sa Regional at District Offices ay siguradong iyakan ang Engineers doon sa ibaba dahil baryang-barya na lang ang maiiwan sa kanilang mga kamay. Wala nang panlaro sa casino!
Lalo pang hahagulgol ang mga iyan kapag limitado lang sila sa tinatawag na ‘Small Value Procurement’ o yung dalawang milyon pababa ang presyo ng proyekto. Iyakan sa ibaba pero tiyak sobrang busog naman ang aabutin sa head office. Bale, inilipat lang…’nay kupo!