MANILA, Philippines – Nagsagawa ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) sa iniulat na nawawalang fishing banca (FBCA) John Vincent na may sakay na apat na mangingisda sa baybayin ng Mariveles, Bataan.
Ayon sa PCG, ipinadala ang BRP Boracay sa nasabing baybayin para sa SAR operation kung saan may mga fishing banca din ang inabisuhan tungkol sa nawawalang fishing banca John Vincent.
Namataan ang fishing banca ganap na alas-4:10 ng umaga nitong Miyerkules kaya agad nagsagawa ng inquiry at initial assessment.
Isang crew ang nanatili sa nasiraang banca na hindi na kinailangan pa ng medical attention habang ang tatlo pang crew ay inilipat sa barko ng PCG para sa kinakailangang medical evaluation at assistance.
Pinangunahan na rin ng BRP Boracay ang towing operations sa nasabing banca patungong Mariveles Harbor.
Sa pagsisiyasat, ang fishing banca sakay ng apat nitong crew ay nagpalutang-lutang simula alas-11 ng gabi noong Oktubre 12, dahil sa depektibong alternator at kinailangan ng towing assistance. Jocelyn Tabangcura-Domenden