MANILA, Philippines – Inatasan ni Philippine National Police (PNP) acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang lahat ng mga yunit ng pulisya na pataasin ang mga hakbang sa kalusugan at kaligtasan upang maprotektahan ang mga tauhan at publiko sa gitna ng mga kaso ng seasonal flu na nag-udyok sa pagsususpinde ng klase sa Metro Manila.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pamamagitan ng patnubay ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na tiyakin ang patuloy na paghahatid ng mga serbisyo publiko habang pinangangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga tauhan ng gobyerno at mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
“The PNP reminds all units to continue observing basic health protocols, including proper hygiene, regular hand washing, and the use of face masks when necessary, especially in crowded areas,” ayon kay Nartatez.
Ang mga opisina at quarters ng pulisya ay pinaalalahanan din na tiyakin ang sapat na bentilasyon at kalinisan sa lahat ng oras.
Inatasan din niya ang PNP Health Service na magsagawa ng regular na pagsusuri sa kalusugan at maingat na subaybayan ang mga tauhan na nagpapakita ng mga sintomas tulad ng trangkaso, upang sila ay mabigyan ng agarang medikal na atensyon upang maiwasan ang karagdagang pagkalat ng virus sa hanay.
“Our goal is to ensure that our police officers remain healthy and capable of performing their duties while safeguarding the well-being of the communities they serve,” saad ni Nartatez.
Una rito, nilinaw ni Health Secretary Ted Herbosa na walang outbreak ng influenza-like illness sa Metro Manila sa kabila ng hakbang ng Department of Education na suspindihin ang klase sa National Capital Region mula Oktubre 13 hanggang 14.
Kasabay nito, hinimok ng PNP ang publiko na manatiling kalmado at sundin ang mga opisyal na payo sa kalusugan.
“There is no cause for panic but it is important that everyone takes preventive measures such as staying home when sick and practicing proper hygiene. The PNP remains committed to supporting the government’s efforts to ensure everyone’s safety and well-being,” aniya. RNT/MND