Home NATIONWIDE Vlogger nalunod sa kasagsagan ng baha sa Capiz

Vlogger nalunod sa kasagsagan ng baha sa Capiz

296
0

MANILA, Philippines – Nalunod ang isang 23-anyos na vlogger matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig habang tumatawid sa sapa sa Barangay Malocloc Sur, Ivisan, Capiz nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Mae Urdelas, isang canteen worker at residente ng nasabing barangay.

Ayon kay Barangay Captain Allan delos Santos, nangyari ang insidente bandang alas-5 ng hapon habang pauwi si Urdelas kasama ang kaniyang kapatid at bayaw.

Nadulas umano siya habang tumatawid sa sapa at nahulog sa tubig.

Dahil sa lakas ng agos, tinangay siya at agad na nawala sa paningin ng mga kasama.

Agad nagsagawa ng search operation ang mga residente at opisyal ng barangay.

Matapos ang halos tatlong oras, natagpuan ang bangkay ng biktima mahigit isang kilometro mula sa lugar kung saan siya nahulog.

Nangyari ang insidente habang bumabayo ang Bagyong Ramil, na nagdulot ng malalakas na ulan at matinding pagbaha sa Capiz at iba pang bahagi ng Western Visayas noong Oktubre 18.

Bago ang insidente, huli umanong post ni Urdelas sa kaniyang vlog ang mensaheng, “Tama nana nga ulan (sapat na ang ulan).”

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na iwasang tumawid sa mga ilog o sapa tuwing malakas ang ulan at maging alerto sa posibleng flash flood habang patuloy ang epekto ng bagyo. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here