Home OPINION LIBRENG PALIBING SA KYUSI VS. QC POLICE GINAGATASAN PUNERARYA

LIBRENG PALIBING SA KYUSI VS. QC POLICE GINAGATASAN PUNERARYA

227
0

HABANG ipinagmamalaki ng pamahalaang lungsod ng Quezon City sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte ang programang libreng palibing para sa mahihirap—isang proyektong may pusong tumulong at may ugat pa sa pamana ng kanyang amang si dating Congressman Feliciano “Sonny” Belmonte—tila may nakabiting tanong: paano magiging tunay na libre kung may mga buwitre sa paligid?

Maganda ang layunin ni Belmonte. Ngunit kung sa likod ng bawat kabaong ay may kamay ng katiwalian, mauuwi sa wala ang kabutihang ito. May mga puneraryang nakaagapay sa programa ni Mayor Belmonte pero hanggang P25,000 lang naman ang nakukuhang tulong. May mga puneraryang kumukuha ng mga kasong kailangan ng medico-legal at dito na pumapasok ang imbestigasyon ng pulisya.

Makapagbibigay ba ng puneraryang tinatawagan ng QC Police District kung napakalaki ng intelihensiyang ibinibigay nito sa pulis? Ginagawa ng mga pulis na iligal ang negosyong pagpupunerarya na hindi naman dapat dahil namumuhunan ang mga negosyanteng may-ari nito.

Ayon sa mga ulat, may ilang tauhan umano ng Criminal Investigation and Detection Unit na kumikita bawat linggo ng “two digits” – may patay o wala (Mabuti sana kung P20k lang kaso mas higit pa roon) at at dagdag bayad pa sa bawat ulo ng patay sa loob ng isang linggo. Ang imbestigador, caller, hepe ng CIDU, hepe ng investigation, at hepe ng homicide—lahat umano ay may parte. At huwag kalimutan ang bagman na may alyas na “Marlon” na umano’y tagasingil ng lingguhan mula sa punerarya.

At take note, hindi pa kasama riyan ang isang security/escort o driver ng isang opisyal sa Camp Karingal na siyang nagrekomenda sa CIDU sa isang puneraryang kanilang ginagatasan ngayon. Hooray! Tumatanggap ng lingguhang tumataginting na P5k ang taong ito.

Kung totoo ito, nakahihiya at nakakagalit. Habang nagkakandarapa ang mahihirap sa gastos sa burol, may mga walang konsensyang opisyal na ginagawang negosyo ang kamatayan.

Kaya dapat itong imbestigahan ni Quezon City Police District Acting Director PCol. Glenn Silvio. Ngayon pa lang, linisin na niya ang kanyang hanay bago pa siya madamay o pagdudahan ng publiko.

Maging si Mayor Belmonte ay dapat na magpaimbestiga kaugnay rito. Ang libreng palibing ay hindi dapat maging palabas o paratang. Ito’y serbisyo para sa maralita—hindi para sa mga pulis na gustong kumita. Kung mananatiling tahimik ang mga nasa kapangyarihan, baka sa halip na karangalan, magtutuloy-tuloy ang katiwalian. Nakakahiya naman sa taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here