MANILA, Philippines – Nananatiling nakataas ang signal no. 1 sa anim na lugar sa Northern Luzon habang ang tropical storm Ramil ay nakahanda nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility ngayong Lunes ng umaga, sinabi ng state weather bureau.
Sa kanilang 5 a.m. tropical cyclone bulletin ngayong Oktubre 20, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na si Ramil (internasyonal na pangalan: Fengshen) ay namataan sa 350 kilometro sa kanluran ng Sinait, Ilocos Sur noong 4 a.m.
Kumikilos ang tropikal na bagyo pahilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h, taglay ang maximum sustained winds na 65 km/h malapit sa gitna, na may pagbugsong aabot sa 80 km/h, at central pressure na 998 hPa.
Inaasahang magpapatuloy si Ramil sa kanluran hilagang-kanluran sa ibabaw ng West Philippine Sea at lalabas ng PAR ngayong Lunes ng umaga.
Sinabi ng PAGASA na maaaring lumakas si Ramil habang nasa West Philippine Sea at tinatayang aabot sa severe tropical storm category habang nasa labas ng PAR.
Ang tropical cyclone wind signal No.1 ay may bisa sa mga sumusunod na lugar sa Northern Luzon, kung saan ang hangin na 39 hanggang 61 km/h at paputol-putol na pag-ulan ay maaaring asahan sa loob ng hindi bababa sa 36 na oras:
–Ilocos Norte,
–Ilocos Sur,
–La Union,
–Northern at western portions ng Pangasinan (Sual, Mabini, Dasol, Burgos, Agno, Bani, Bolinao, City of Alaminos, Anda, Infanta, Labrador, Lingayen, San Fabian, Dagupan City, Binmaley, Bugallon, Sison, Mangaldan, San Jacinto, at Pozorrubio),
–Abra, at
–Western portion ng Benguet (Bakun, Kibungan, Kapangan, Tublay, La Trinidad, Baguio City, Tuba at Sablan).
Samantala sa kanilang 2 a.m. advisory nitong Lunes, naglabas ang state weather bureau ng storm surge warning para sa ilang mabababang coastal areas sa Bataan, La Union, Pangasinan, at Zambales.
Sinabi din ng PAGASA na ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Batangas, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Palawan ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa labangan ng papalabas na tropical storm.
Sa kanilang 4 a.m. public weather forecast, sinabi ng state weather bureau na ang natitirang bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng easterlies.
Ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng mga localized thunderstorms. RNT/MND