Home OPINION ANG DELICADEZA NI USEC ARREY PEREZ

ANG DELICADEZA NI USEC ARREY PEREZ

287
0

MATAPOS pangalanan ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste si Department of Public Works and Highways Undersecretary Arrey Perez na umano’y may “link sa mga contractors,” agad itong nagbitiw sa kanyang puwesto—isang hakbang na ikinagulat ng marami.

Kinumpirma ni DPWH Secretary Vince Dizon na “Perez submitted his irrevocable resignation to give way to the investigation and to prevent being a distraction to the DPWH.” Ibig sabihin, kusa niyang isinantabi ang kanyang posisyon upang hindi maapektuhan ang operasyon at kredibilidad ng kagawaran.

Walang pormal na imbestigasyon o kaso laban kay Perez, kundi pahayag lamang ng isang kongresista. Gayunman, pinili niyang magbitiw—isang halimbawa ng delikadesa na matagal nang tila nawawala sa serbisyo publiko.

Kung ihahambing, marami sa mga senador, kongresista, at iba pang matataas na opisyal na mas mabigat pa ang paratang at may mga ebidensyang iniharap laban sa kanila ay nananatili pa rin sa puwesto. Sa halip na magpakita ng kahihiyan o respeto sa proseso, ilan pa sa kanila ay nagpo-press conference, todo tanggi, at nagmamatigas na parang walang pananagutan.

Ang ginawa ni Usec. Perez ay isang paalala na hindi kailangang hintayin ang desisyon ng korte o ng publiko bago gumawa ng tama. Ang delicadeza ay hindi kahinaan, kundi tanda ng integridad.

Sana’y magsilbing halimbawa ito sa mga nasa kapangyarihan—na ang posisyon ay hindi dapat panghawakan kung ito’y makasisira sa tiwala ng taong bayan. Sa panahon ngayon na kapos sa may dangal sa gobyerno, bihira na ang tulad ni Usec. Arrey Perez.

=====================
Atty. Ariel Inton
Founder, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)
09178174748

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here