Home NATIONWIDE Presyo ng gasolina tataas, diesel bababa bukas!

Presyo ng gasolina tataas, diesel bababa bukas!

382
0

MANILA, Philippines – MULING magpapatupad ng dagdag-bawas sa presyo sa kada litro ng ilang mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga, Oktubre 21.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.10 sa kada litro ng gasolina habang bawas presyo naman na P0.70 sa kada litro ng diesel at P0.60 sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May dagdag-bawas din sa presyo ng kada litro ng mga nabanggit na produktong petrolyo na kahalintulad ang kompanyang CleanFuel na magiging epektibo bukas ng alas-4:01 ng hapon.

Ang ipatutupad na dagdag-bawas sa mga nasabing produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nitong nakaraang Martes ay nagpatupad din ng dagdag-bawas sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa kung saan nagpatupad ng dagdag presyo na P0.30 sa kada litro ng gasolina at bawas presyo naman na P0.20 sa kada litro ng kerosene habang wala namang paggalaw sa presyo ng diesel. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here