MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes, Oktubre 20 na nagpataw ito ng 90-day suspension sa lisensya ng SUV driver na naaktuhan sa video na nanuntok at nanulak sa isang bus driver sa Silang, Cavite.
Ayon sa DOTR, nag-ugat ang away sa banggaan ng isang Toyota Hilux at isang bus.
“Hindi tayo hihinto sa pag suspinde ng lisensya ng mga driver na sangkot sa road rage,” saad sa pahayag ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez.
“Lalo na sa insidenteng ito, kitang-kita sa video kung paano nya sinaktan ‘yung matandang driver. Hindi natin palalampasin ang ganyang mga maling asal,” dagdag pa niya.
Samantala, ipinatawag ng Land Transportation Office ang drayber para magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat sampahan ng reklamong reckless driving at bawian ng lisensya.
Sinabi naman ng DOTR na ang desisyon na pansamantalang pagsuspinde sa driver’s license ay nag-ugat sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin ang mga abusadong drayber. RNT/JGC