Home OPINION HIDWAAN SA LOOB NG AFP NAKIKITA NG TAUMBAYAN

HIDWAAN SA LOOB NG AFP NAKIKITA NG TAUMBAYAN

318
0

“MAANGHANG” ang naging “kontra-patutsada” ni dating Philippine Air Force retired general, MGen. Romeo Poquiz, sa pagbabanta ng Armed Forces ni Gen. Romeo Brawner at Defense Secretary Gibo ‘Citizen Maltese’ Teodoro, na tatanggalan ng pensyon ang mga katulad niyang retiradong opisyal.

Katwiran kasi ng AFP ni Brawner at Gibo, dapat tanggalan ng pensyon ang mga katulad ni Gen. Poquiz dahil promotor (daw) ng ‘fake news’ at ‘inciting to sedition’ dahil sa pagbatikos sa mga sablay ng gobyerno partikular ang talamak na korapsyon sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

“Resbak” naman ng may prinsipyong heneral, hindi isang “pribelihiyo” ang pensyon na pwedeng alisin batay lang sa kapritso ng mga nasa kapangyarihan. Isa itong “karapatan” nang sinomang lingkod bayan na matapat na naglingkod sa ating Republika at sa hanay pa nga ng mga sundalo at pulis, “ipinusta” ang kanilang buhay habang nasa serbisyo.

Bagaman umatras ang AFP ni Brawner at Gibo sa kanilang ginawang “pananakot,” malinaw sa taumbayan na may “hidwaan” sa loob ng militar– sa pagitan ng mga nakikinabang ngayon sa kanilang kapangyarihan at posisyon at sa hanay ng mga retiradong opisyal.

At dahil nasa katwiran, umani ng suporta si Gen. Poquiz sa kanyang mga sinabi habang nadagdagan pa ang bilang ng mga Pinoy na nawawalan ng tiwala at respeto sa mga taong gobyerno, kasama na ang mga katulad ni Brawner at Gibo.

Naniniwala tayong hindi lang dito nagtatapos ang bangayan sa loob ng AFP.

Para kasi sa ating mga sundalo na araw-araw ay nakataya ang buhay sa mga liblib na lugar upang tiyakin na mayroon tayong “Demokrasya,” mahirap tanggapin sinisikil ng kanilang mga “Bosing” ang ating karapatang sibil at masahol pa, bantaan sila na walang makukuhang pensyon kung ipapahayag ang totoo nilang saloobin.

“Pasismo” ang tawag d’yan.

Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here