MANILA, Philippines – Suportado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang panukalang pagtatatag ng Department of Water upang sentralisahin ang pamamahala sa mga water resources at flood-control projects ng bansa.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inisyatibo sa mga pag-uusap kasama ang Kongreso at Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“We fully support the creation of a separate Department of Water that will handle water resources management. It’s very important and we will support this 100 percent,” ani Dizon sa pagdinig ng Senado para sa panukalang 2026 budget ng DPWH.
Giit ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, mas magiging epektibo ang pamamahala sa tubig at pagbawas ng pagbaha kung iisang ahensya ang mangangasiwa sa lahat ng kaugnay na programa.
“Sa laki nga ng DPWH, hindi niyo na namo-monitor kaya siguro may nakakalusot. With a Department of Water, we can manage our resources more effectively — impounding, storing, and controlling floods,” wika ni Ejercito.
Isinusulong din ni Ejercito ang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act upang matiyak ang pangmatagalang pagpaplano at maiwasan ang pag-overlap o pag-aksaya sa mga proyekto.
“We spend about P350 billion a year on flood control… But flooding keeps getting worse because projects are scattered and inconsistent. We need a masterplan that continues regardless of who’s in power,” dagdag niya.
Sang-ayon naman si Dizon na ang kakulangan sa koordinasyon ang nakaaapekto sa implementasyon, at binanggit ang Central Luzon Floodway Masterplan na pinondohan ng Asian Development Bank at matatapos sa Agosto 2026.
Kumpirmado rin niyang pinakamababa mula 2020 ang panukalang P625.78 bilyong budget ng DPWH para sa 2026, alinsunod sa utos ng Pangulo na tutukan lamang ang mahahalagang proyekto. Dave Baluyot