Home NATIONWIDE Tapyas-pensyon sa retiradong heneral, nilanaw ng AFP

Tapyas-pensyon sa retiradong heneral, nilanaw ng AFP

351
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi pa pinal ang usapin hinggil sa posibleng bawas-pensyon sa mga retiradong opisyal ng militar na umano’y naglabas ng mga pahayag na may temang sedisyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang pagrepaso sa sistema ng military pension ay “work in progress” pa lamang, at layong tiyakin na ito ay “makatarungan, tapat na nagagamit, at hindi nakakasira sa tiwala ng publiko.”

“Dapat dumaan ito sa tamang proseso… kapag napatunayan na may nilabag na batas, tsaka lang posibleng may epekto sa pension system,” ani Padilla sa panayam sa PTV.

Aniya, may mga kaso na maaaring saklaw ng Anti-Cybercrime Law o Data Privacy Act, ngunit tanging sa sandaling mapatunayang may paglabag lamang maaaring ipataw ang parusa. “Ang pinaka-glaring dito ay inciting to sedition,” dagdag niya.

Giit ni Padilla, hindi nito layong patahimikin ang karapatang magpahayag, kundi tiyakin na walang batas na nilalabag.

Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na wala pang tugon si Pangulong Marcos sa isyu at ipinauubaya muna ito sa AFP.

“Ang pananagutan nila, kung gumawa sila ng krimen, dapat silang managot at ang korte ang hahatol sa kanila,” aniya.

Matatandaang sinabi ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner na ilang retiradong opisyal ang nagtangkang makipag-ugnayan sa mga aktibong sundalo sa kasagsagan ng Trillion Peso March protests, ngunit tinanggihan ito.

Nauna nang tiniyak ni Marcos na “solid” pa rin ang suporta sa kanyang administrasyon, ngunit pinaalalahanan ang lahat na huwag maging kampante sa gitna ng mga usap-usapang destabilization. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here