MANILA, Philippines – Handa na umano ang bagong Quezon City Jail sa Payatas, para sa mga posibleng makasuhan kaugnay ng umano’y katiwalian sa mga proyekto sa flood control, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes.
Sa isang press conference, sinabi ni Remulla na tinatayang nasa 200 indibidwal ang maaaring masampahan ng kaso sa loob ng susunod na tatlong linggo dahil sa isyu ng flood control corruption.
Ang bagong kulungan, na pinakamalapit sa Sandiganbayan, ay may kapasidad na 800 detainees.
“Ang korte ang may hurisdiksiyon kung saan dapat ikulong ang mga akusado. Pero kung sa Sandiganbayan ang kaso, ito na ang pinakamalapit na pasilidad ng BJMP,” ani Remulla.
Dagdag pa niya, “Kung ang nagnanakaw ng ₱100 sa SM ay dito kinukulong, sa palagay ko, ang nagnanakaw ng bilyon-bilyon ay dapat dito rin ilagay.”
Nilinaw rin ng kalihim na hindi nila nilalampasan ang kapangyarihan ng Sandiganbayan sa pagpapasya kung saan ikukulong ang mga akusado, ngunit praktikal aniyang gamitin ang bagong pasilidad sa Payatas.
Ang isyu ng umano’y ghost at substandard flood control projects ay unang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Agosto, nang ibunyag niyang 20% ng mga proyekto ng pamahalaan sa flood control ay hawak ng 15 kontraktor lamang.
Simula noon, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Kongreso at ang Independent Commission for Infrastructure, na tumututok sa posibleng pagkakasangkot ng mga kontraktor, opisyal ng gobyerno, at ilang mambabatas.
Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na mas mabuting hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon.
“Dalawandaan lang talaga? Tingnan po natin kasi hindi pa naman po tapos ang imbestigasyon. Kung ganiyan sa tingin niya, ready naman po ang gobyerno kung sila ay dapat makulong,” ani Castro.
Dagdag niya, may ilan aniyang kaso na maaaring bailable, kaya’t kailangang hintayin muna kung anong mga kasong isasampa. Santi Celario