MANILA, Philippines – Bubuhayin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Cadet Engineering Program upang maka-recruit ng mga mahuhusay at batang inhinyero, ayon kay Secretary Vince Dizon nitong Lunes.
“Ito ay napakaganda upang ma-revitalize natin ang DPWH sa pamamagitan ng fresh blood,” pahayag ni Dizon sa flag-raising ceremony sa main office ng ahensya sa Maynila.
Unang inilunsad noong 2013 sa ilalim ni dating Secretary Rogelio Singson, layon ng programa na magtakda ng bagong pamantayan sa pagpasok ng mga inhinyero at hikayatin ang mga bagong graduate na tumulong sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga imprastraktura sa buong bansa.
Sinabi ni Dizon na may 1,993 bakanteng posisyon para sa mga inhinyero, karamihan sa mga regional office, at iniutos niya ang agarang pag-hire at pag-promote ng mga kwalipikadong empleyado, kabilang ang mga nasa job order at kontraktwal.
“Dapat nating i-promote ang mga karapat-dapat, tapat, at masisipag dito sa DPWH, kabilang ang mga job order employees,” ani Dizon. “Kahit matagal ka nang JO, hindi ibig sabihin na wala kang karapatang umangat.”
Kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng pagkakataon ang mga kawani at JO sa gobyerno na umangat sa kanilang propesyon, tiniyak din ni Dizon na matatanggap ng mga kontraktwal na empleyado ang kanilang suweldo sa loob ng pitong araw matapos ang cut-off date. RNT