Home LIFESTYLE HEALTH Bilang ng teenage pregnancies sa E. Visayas, kumonti

Bilang ng teenage pregnancies sa E. Visayas, kumonti

339
0

MANILA, Philippines – Nakamit ng Eastern Visayas ang malaking pagbaba sa kaso ng maagang pagbubuntis, lalo na sa mga lalawigan ng Samar at Southern Leyte, sa tulong ng Expanded Youth Leadership and Governance Programme (EYLGP).

Ayon sa United Nations Population Fund (UNFPA), ang programa ay bahagi ng Joint Programme on Accelerating the Reduction of Adolescent Pregnancy (JPARAP) na layong palakasin ang partisipasyon ng kabataan at pamahalaang lokal sa usapin ng kalusugang reproduktibo.

Mula nang ilunsad noong 2022, bumaba ng 29 porsiyento ang bilang ng mga panganganak ng kabataang babae sa Southern Leyte—mula 35.8 patungong 25.4 kada 1,000 sa edad 15 hanggang 19—at inaasahang maaabot pa ang target na 21 pagsapit ng 2026. Tumaas din ang paggamit ng kontraseptibo at lumaki ang pondo ng mga LGU para sa adolescent health mula PHP3.8 milyon noong 2022 hanggang PHP6.6 milyon noong 2024.

Sa Samar naman, bumaba ng 5 porsiyento ang bilang ng panganganak ng mga kabataan habang tumaas ng 70 porsiyento ang paggamit ng modernong kontraseptibo. Umakyat din ang pondo ng lokal na pamahalaan para sa adolescent health mula PHP6 milyon noong 2022 hanggang PHP45.7 milyon sa 2025.

Ayon kay Department of Health Eastern Visayas Regional Director Dr. Exuperia Sabalberino, “ang teenage pregnancy ay isang komplikadong isyu na nangangailangan ng whole-of-government at whole-of-society approach,” at ang aktibong partisipasyon ng kabataan ay nakatulong upang mapabilis ang pagbabago.

Kabilang sa mga matagumpay na inisyatiba ang TrucKabataan, isang youth-led mobile health service, at ang Masayang Pamilya Incorporated na nakatuon sa pakikilahok ng mga magulang.

Bagama’t nananatili ang hamon ng pagtaas ng panganganak sa edad 10 hanggang 14, tiniyak ng UNFPA at mga katuwang na ahensya ang tuloy-tuloy na suporta upang mapanatili ng mga LGU ang positibong resulta sa pamamagitan ng mas matatag na sistema at integradong health planning. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here