TAGUIG CITY, Philippines – Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng Station drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City police ang isang babaeng suspek na tinaguriang high value individual (HVI) na nakumpiskahan ng ₱1 milyong halaga ng shabu Martes ng umaga, Oktubre 21.
Kinilala ng Taguig City police nag nadakip na babaeng suspek na si alyas Angel, 22, walang trabaho at residente ng Barangay Calzada-Tipas, Taguig City.
Base sa report ng Taguig City police na isinumite kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, naganap ang pag-aresto sa suspek sa isinagawang buy-bust operation ng SDEU bandang alas 4:20 ng umaga sa kahaban ng Ruhale Street, Barangay Calzada-Tipas, Taguig City.
Nakumpiska ng mga operatiba sa posesyon ng suspek ng iba’t-ibang laki ng plastic sachets na may kabuuang timbang na 147.8 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,005,040, drug paraphernalia at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang nakumpiskang ilegal na droga ay dinala sa SPD Forensic Unit para isailalim sa chemical analysis at kasalukuyan namang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng SDEU habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa kanya sa Taguig City Prosecutor’s Office.
“The SPD continues to ensure that all its units remain proactive in dismantling drug networks within its jurisdiction. The public is encouraged to remain vigilant and cooperate by reporting any drug-related activities to the nearest police station,” ani Arceo. (James I. Catapusan)