AKLAN, Philippines – Sugatan ang anim na katao matapos mawalan ng preno ang isang wing van truck na may kargang 300 sako ng asukal, dahilan ng karambola ng 10 sasakyan sa Barangay Libertad, Nabas, Aklan, nitong Lunes ng gabi.
Batay sa CCTV footage, mabilis na bumabaybay ang truck at lumipat ng linya bago sumalpok sa isang commuter van, na naging sanhi ng sunod-sunod na banggaan ng mga sasakyan at dalawang nakaparadang motorsiklo.
’Yung wing van, tuloy-tuloy na bumaba hanggang sa tinusok sa likod ‘yung isang van bago siya gumulong,” ayon kay Major Ronnel Bayaban, hepe ng Nabas Municipal Police Station.
Kabilang sa anim na sugatan ang kondoktor ng trak, na nagtamo ng pasa at gasgas sa katawan.
Isinara ang bahagi ng kalsada nang halos walo oras habang nililinis ang lugar ng aksidente.
Ayon kay LTO-6 Director Gaudioso Geduspan II, dapat ay mas maingat ang mga truck driver na may mabigat na kargamento.
“Sa bigat ng kargang dala, dapat bumabagal ka. Hindi ito karera,” ani Geduspan.
Nakakulong ngayon sa Nabas Police Station ang drayber ng truck habang patuloy ang imbestigasyon. /Mary Anne Sapico