MABUTI naman at bubuksan na sa publiko ng Independent Commission on Infrastracture ang ginagawa nitong imbestigasyon sa mga anomalya sa imprastraktura, kasama ang mga flood control project.
Mismong si ICI Chairman Andres Reyes ang nagsabing gagawin nila ito kung handa na ang kanilang mga pasilidad para rito.
Dapat lang na buksan ito sa publiko upang mawalan ng agam-agam ang mga mamamayan sa mga pinaggagagawa ng komisyon.
Tatandaan na habang puro sikret ang ginagawa ng ICI, patindi nang patindi ang naging pagdududa ng mga mamamayan kung makapagpapalabas ito ng kongklusyon na tugma sa inaasahan at ipinagdarasal ng mga mamamayan.
Lalo na ang mga mamamayang naninindigan laban sa anomang mga pagnanakaw sa buwis ng bayan, pagpapayaman sa pwesto, pang-aabuso sa kapangyarihan at pakonswelo-de-bobong serbisyo publiko.
NAME/S THAT CANNOT BE NAMED
Kung bubuksan nga ang imbestigasyon, hanggang saan ito bukas?
Paano kung darating ang araw na dapat isalang ang “name/s that cannot be named” gaya ng minsan nang ipinahayag ni dating Senate President Chiz Escudero?
Siyempre pa, napangalanan na si nagbitiw na Speaker Martin Romualdez at ginawa ito ng mag-asawang Curley at Sarah Discaya sa Senado noong Blue Ribbon Chairman pa si Senador Rodante Marcoleta.
Pero lumilitaw na may mga pangalang higit na “sagrado” kaysa kay Romualdez.
Kung iisipin, sinasabi ng ICI na wala silang sasantuhing imbitahan para maimbestigahan.
Ngunit paano rin kung ang mga inaasahang buwaya na tiyak na taga-Kamara, Senado at Palasyo na kahit mapangalanan ay lalabas na inosente?
Kung hindi naman, eh, sila pa ang magiging state witness?
Paano rin kung mangilan-ngilan lang sa Kamara at Senado ang makakanti ng imbestigasyon at karamihan pa sa mga ito ang mga nasa oposisyon?
Paano rin kung halos lahat ay mga sapsap at butete ang mairerekomendang makasuhan ng kriminal, administratibo at sibil?
ICI AT HALALANG 2028
Isa pang sensitibong usapin ang malaking posibilidad na gagamitin sa pamumulitika o halalang presidensyal sa 2028 ang bunga ng imbestigasyon nito.
Alalahaning marami nang pangyayari ngayon ang lumilitaw at nakatuon sa halalang 2028.
Sa ibang salita, paano kung may makikialam sa ICI at ituring lang itong kasangkapan para sirain lang ang dapat siraing personalidad na may kaugnayan sa 2028?
Pwedeng ikatwiran ng ICI na totoong independiyente ito ngunit hanggang saan naman ang pagiging independiente nito mula sa sinomang politiko, lalo na sa hanay ng mga lumikha nito?
INUTIL
Ang masakit pa, lumalabas na inutil ang ICI dahil sa kawalan ng subpoena at contempt powers nito.
Hindi katulad ito ng Kamara, Senado at mga korte na dahil may subpoena at contempt powers sila, kaya nilang pagalawin maging ang mga pulis, militar at iba pa kung babalewalain ng mga iniimbestigahan ang mga imbitasyon o kautusan para sila magpakita sa imbestigasyon, pagdinig o paglilitis.
Kung walang subpoena at contempt powers ang ICI, paano nito mapupwersa o mako-compel ang mga isinusumbong ng mga mamamayan na magpakita at humarap sa imbestigasyon sa kawalan ng mga kapangyarihang ito?
Paano kung iisnabin lang ang ICI, lalo na ng mga may sagradong pangalan at interes?






