Home OPINION SC SA PALASYO: SAGUTIN PAGPAPABAYA SA KALIGTASAN NG MAMAMAYAN

SC SA PALASYO: SAGUTIN PAGPAPABAYA SA KALIGTASAN NG MAMAMAYAN

236
0

INATASAN ng Korte Suprema ang tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga kontratista ng gobyerno na maghain ng komento sa loob ng 10 araw kaugnay ng petisyon para sa Writ of Kalikasan laban sa umano’y “ghost” o pekeng flood control projects na nagdudulot ng pinsala sa kalikasan at kaligtasan ng publiko.

Ang resolusyon, inilabas noong Setyembre 30, 2025, ay tugon sa petisyong isinampa ng mga abogado at mga makakalikasan na pinamumunuan nina Atty. Edna Pana at ng inyong lingkod.

Ayon sa petisyon, bilyon-bilyong piso umanong inilaan sa flood control projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways ay napunta sa mga “ghost projects” — mga kontrata na hindi naman natupad, o di kaya’y palpak ang pagkakagawa, na nagresulta sa pagbaha, pagkasira ng mga ilog, at ecosystem.

Kabilang sa mga tinukoy na kontratista ang malalaking kompanyang madalas umanong benepisyaryo ng mga proyektong may kinalaman sa imprastruktura.

Para sa SIBOL, “Hindi lamang pagpapayaman ang isyu rito, kundi pagpapabaya sa buhay at kinabukasan ng mga komunidad.”

“Dapat managot ang mga ahensya at kontratistang nagpabaya sa pagpapatupad ng mga proyektong pangkaligtasan, lalo’t laganap ang pagbaha sa mga lalawigang inaasahang protektado ng mga flood control system.”

Ang Writ of Kalikasan, isang ligal na remedyo para sa mga krisis pangkalikasan, ay humihiling na ipatupad nang maayos ang mga proyekto upang mapigilan ang karagdagang pinsala at mapilit ang gobyerno na ilantad ang detalye ng mga proyekto, kasama na ang mga kontrata at status ng pagpapatupad.

Sa kabila nang paulit-ulit na pagdadaing ng mga komunidad sa mga “nawawalang proyekto,” hindi umano ito binigyang-pansin ng Office of the President at DPWH.

“Kung saan dapat ay mga kanal o dike ang nagawa, tubig-baha ang nakikita ng mga residente. Saan napunta ang pondo?” tanong ni Atty. Noel Valerio, isa sa mga abogadong nagharap ng ligal na paraan.

Kritikal ang hakbang ng Korte Suprema, ayon sa mga eksperto, dahil una itong malaking kaso sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. na direktang tututok sa pinagkakitaan sa mga proyektong pangkalikasan.

Kung mapatunayang may anomalya, maaaring magdulot ito ng malawakang imbestigasyon sa mga kontratista at opisyal na sangkot.

Hanggang ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang OP o mga kontratista. Aabangan sa susunod na 10 araw kung paano tutugon ang mga nasasakdal sa paratang ng paglabag sa karapatan ng mamamayan sa isang ligtas at malusog na kapaligiran.

Giit ng mga petitioner, ang kasong ito ay hindi lamang tungkol sa pera. Tungkol ito sa pagpapahalaga sa buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here