MANILA, Philippines – Umapela ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Miyerkules, Oktubre 22 na magawaran ng dagdag na kapangyarihan sa imbestigasyon nito sa maanomalyang flood control projects.
Sa pagdinig sa Senate Bill 1215, na naglalayong lumikha ng Independent People’s Commission (IPC), sinabi ni ICI Chairman Andres Reyes Jr. na kulang sa kapangyarihan ang fact-finding body pagdating sa bank secrecy at tax records.
“You could imagine that the flow of money was by cash. So it is difficult to really trace how the money went about. So we need these financial banking rules to be able to perhaps determine where the money went, who got the money, and the amount,” ani Reyes.
Nais din aniya ng ICI na magkaroon ng kapasidad na tingnan ang text conversations sa pagitan ng mga opisyal ng pamahalaan na iniuugnay sa mga contractor dahil naniniwala silang ang palitan ng pera ay pinag-uusapan sa pamamagitan ng text messages.
Samantala, sinabi ni ICI Commissioner Rogelio Singson na ang mga miyembro ng komisyon ay dapat na mabigyan ng immunity mula sa civil liability o lawsuit. RNT/JGC