SA bawat sulok ng ating bansa, hindi matatawaran ang sakripisyo ng Barangay workers na kinabibilangan ng mga health worker, population worker, nutrition scholar, at child development worker, na araw-araw ay naglilingkod sa komunidad nang walang sawang pagod. Sa kabila ng kanilang mahalagang papel bilang frontliners sa Barangay, madalas silang nakakaligtaan pagdating sa tamang benepisyo at proteksyong panlipunan. Isang malungkot na reyalidad.
Ngunit sa San Quintin, Pangasinan, may isang makabagong hakbang na nagbibigay-liwanag at inspirasyon para sa iba pang lokal na pamahalaan, ito ang ganap na pagsagot ng munisipyo sa buwanang SSS contributions ng mahigit 200 Barangay workers.
Ang pagkilala ng Social Security System (SSS) sa San Quintin bilang kauna-unahang Contribution Subsidy Provider sa buong lalawigan ng Pangasinan ay hindi lamang simpleng parangal, kundi simbolo ng tunay na malasakit sa mga kawani ng Barangay. Sa pamamagitan ng memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan kamakailan nina SSS Luzon vice president Vilma Agapito at mayor Farah Lee-Lumahan, opisyal nang makakatanggap ang 217 Barangay workers ng Php 760 buwan-buwan para sa kanilang SSS contributions.
Ito ay humigit-kumulang Php 164,920 kada buwan na tuloy-tuloy sasagutin ng lokal na pamahalaan sa buong termino ng alkalde. Hindi lamang pera ang hatid ng ganitong inisyatiba.
Ang tuloy-tuloy na kontribusyon ay nagbubukas ng maraming benepisyo para sa Barangay workers, mula sa sickness, maternity, disability, retirement, funeral, at death benefits, hanggang sa salary at calamity loans. Sa simpleng hakbang na ito, masisiguro ang proteksyon at seguridad ng mga taong patuloy na nagbibigay ng oras, talino, at puso para sa kapwa.
Ayon kay mayor Lee-Lumahan, ang kanyang administrasyon ay may malinaw na layunin na kilalanin at bigyang-halaga ang mga haligi ng serbisyo sa komunidad. “Matagal nang haligi ng serbisyo sa ating mga komunidad ang ating Barangay workers. Sa tulong ng SSS, masisiguro nating may proteksyong panlipunan sila kapalit ng kanilang sakripisyo,” ani niya.
Napakaganda ring balita na sa 2026, inaasahang isasama rin sa programa ang mga civic volunteer organization workers, na patuloy na maglilingkod sa bayan.
Bilang isang health advocate at tagapagtaguyod ng agarang serbisyo sa kalusugan, nakikita ko ang hakbang na ito bilang halimbawa ng responsableng pamamahala at makataong serbisyo. Sa San Quintin, malinaw na pinapahalagahan ang tao sa likod ng serbisyo, hindi lamang bilang empleyado kundi bilang mahalagang miyembro ng lipunan.
Sana, ang modelong ito ay maging inspirasyon sa iba pang lokal na pamahalaan sa buong bansa. Ang malasakit sa Barangay workers ay hindi lamang obligasyon ng SSS kundi isang malinaw na pagpapakita ng tunay na pamamahala na may puso.
Sa huli, ang tagumpay ng programang ito ay patunay na kapag pinahalagahan ang mga nagsisilbi sa ating komunidad, mas nagiging matibay at mas produktibo ang lokal na pamahalaan.
Ang San Quintin, Pangasinan, ay hindi lamang nagbigay ng proteksyon sa mga Barangay workers; nagbigay rin ito ng inspirasyon sa buong bansa, isang malinaw na mensahe na ang malasakit at tamang aksyon ay nagbubunga ng tunay na pagbabago.






