Home HOME BANNER STORY Pagsisiyasat sa mga pulis na sangkot sa kaso ng missing sabongeros, kumpleto...

Pagsisiyasat sa mga pulis na sangkot sa kaso ng missing sabongeros, kumpleto na – NAPOLCOM

292
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Biyernes na natapos na ang imbestigasyon para sa kasong administratibong isinampa laban sa mga pulis na umano’y sangkot sa kaso ng mga missing sabongero.

Ayon kay NAPOLCOM vice chairperson at executive officer Ralph Calinisan na hinihintay muna ng komisyon ang resolusyon ng Department of Justice (DOJ) bago ilabas ang desisyon nito.

“Tapos na kami. Nasa mesa na namin yung draft. Inuupuan para i-deliberate at ilabas kasi precisely inaantay namin yung DOJ resolution,” saad ni Calinisan.

“Bakit? Abswelto, e di okay. Papaano kung guilty? Paano kung dismissal ang aming hatol? Saan natin hahanapin, saan natin ise-serve iyong mga warrants of arrest ng mga iyan,” dagdag niya.

Ipinunto ni Calinisan na maghihintay ang NAPOLCOM sa tamang panahon para maglabas ng kanilang desisyon.

“Rest assured sa lahat ng nanonood nito, ginawa namin ang trabaho namin, 60 days tapos yung aming desisyon,” aniya.

“Pero mas makabubuti siguro sa sambayanan na hawakan muna namin. Wala namang masama kung hawakan namin ng ilang araw pa e tapos na rin kami,” dagdag niya.

Noong Martes, sinabi ng DOJ prosecutor na ang reklamong pagpatay na inihain laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang indibidwal sa mga nawawalang sabungero ay isinumite na para sa resolusyon.

Nagsampa naman ng complaint-affidavit ang whistleblower at isa sa mga akusado na si Julie “Dondon” Patidongan gayundin ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero noong Hulyo 14 na nagsasangkot ng 18 pulis na nauugnay sa pagkawala.

Noong Agosto 4, inihayag ng NAPOLCOM na nagpataw ang komisyon ng 90-araw na preventive suspension sa 12 pulis kaugnay ng imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Noong Enero 2023, pitong pulis na umano’y sangkot sa krimen ang natanggal na sa serbisyo. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here