MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang babaeng Brazilian national makaraang maharang ito sa Arrival Area ng Terminal 3 at nakumpiskahan ng hinihinalang liquid cocaine na nagkakahalaga ng P10,064,700 Biyernes ng hapon, Oktubre 24.
Kinilala ng NAIA-IADITG ang nadakip na suspek na si Elysa, 32, negosyante, ng Chapadinha, Maranhao, Brazil.
Base sa report ng IADITG, naganap ang pagdakip sa suspek bandang alas 5:10 ng hapon sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City.
Napag-alaman na ang suspek ay pasahero ng bagong dating na eroplano sa NAIA Terminal 3 sakay ng Qatar Airways Flight QR 786 na galing ng Sao Paolo, Brazil na may connecting flight mula Doha, Qatar na lulan naman ng Qatar Airways Flight QR 932.
Sa isinagawang interdiction operation ng mga tauhan ng IADITG ay nadiskubre sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3 sa bagahe ng suspek ang isang kulay itim na bra na may tatak na DelRio na naglalaman ng 10 piraso ng knot-tied transparent latex kung saan ang bawat isa ay mayroong 1,899 gramo ng yellowish substance na hinihinalang liquid cocaine na nagkakahalaga ng P10,064,700.
Bukod sa nakumpiskang ilegal na droga ay nasamsam din sa suspek ang kanyang pasaporte; Qatar Airways boarding pass na nakapangalan sa suspek; isang brown lady handbag na naglalaman ng wallet na mayroong 12 iba’t-ibang bank cards; Brazil Work at Social Security Card; kabuuang $336 USD na iba’t-ibang denominasyon; 100,000 Lao Kip; 13 Brazilian Real; 2 cellular phones; pink pouch na may make-up; pink hair brush; hand carry luggage na pinaglagyan ng isang pares ng rubber shoes; isang pares ng tsinelas; at isang bundle ng damit.
Ang narekober na ilegal na droga ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng PDEA ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 Art. Il ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan







