Home METRO Hiling ng Malakanyang sa publiko: ‘Wag maging negatibo sa mga hakbang ng...

Hiling ng Malakanyang sa publiko: ‘Wag maging negatibo sa mga hakbang ng gobyerno laban sa korapsyon

266
0

MANILA, Philippines – Hiniling ng Malakanyang sa publiko na huwag maging negatibo sa aksyon o hakbang ng gobyerno ukol sa maanomalyang flood control projects.

Hiningan kasi ng komento si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang kaugnay sa ginawang protesta ng People Surge, grupo ng mga survivor ng kalamidad, kasama ang ilang progresibong grupo, sa harap ng tanggapan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Taguig, araw ng Biyernes.

Iginiit ng mga nagpoprotesta ang pananagutan sa umano’y maanomalyang flood control projects

”Hanggang nandiyan po at may nagtatrabaho at ang intensyon naman po ay maganda para po mapanagot ang dapat mapanagot, hayaan na lang po natin na umandar iyong sistema at ang procedure at huwag po tayong masyadong maging negatibo sa ginagawa ng gobyerno sa ngayon,” ang sinabi ni Castro.

Sa katunayan ani Castro, nakapagsampa na si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ng kaso laban sa mga sangkot sa iregularidad.

”Marami po kasing mga kaso. Nakapagsampa na po kahapon si Sec. Vince ng karampatang mga kaso, at hindi po dapat siguro mainip ang ating mga kababayan,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, hiniritan naman ng komento si Castro hinggil sa puna ng publiko na madaling arestuhin ang mga estudyante na sumasama sa protesta subalit wala ni isa mang big-time corrupt individuals.

Winika ni Castro na dapat na alamin din ng publiko ang dahilan ng pag-aresto, lalo na kung aktuwal na nahuli ang mga ito na gumagawa ng mali.

”Unang-una po, alamin po natin kung ang inaaresto po ba ay nahuli na may ginagawang aksyon kasi ito po ay isa sa paraan at isa sa mga ligal na paraan ng kapulisan na sila ay maaaring umaresto, kung caught in the act, gumagawa mismo ng krimen. Kung sila ay gumagawa ng krimen o may basehan na sila ay gumawa ng krimen, maaari po silang maaresto,” ayon kay Castro.

”Hindi po lisensiya ang pagiging kabataan para po gumawa ng isang krimen, at sasabihin na huwag ninyo kaming hulihin dahil kami ay parte ng kabataan,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here