Home HOME BANNER STORY Full implementation ng Sagip Saka Act ipinag-utos ni PBBM

Full implementation ng Sagip Saka Act ipinag-utos ni PBBM

317
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na ipatupad nang buo ang Republic Act No. 11321 o ang Sagip Saka Act, upang mapalakas ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

Sa bisa ng Executive Order No. 101 na nilagdaan ni Marcos nitong Sabado, Oktubre 25, ipinag-utos sa lahat ng national government agencies (NGAs), kabilang ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs), na iayon ang kanilang mga programa, proyekto, at aktibidad sa layunin ng Sagip Saka.

Hinikayat din ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) na tumulong sa pagpapatupad ng batas upang matulungan ang mga lokal na magsasaka at mangingisda na mapaunlad ang kanilang ani at kita.

Nakasaad sa EO na dapat magpatupad ang mga ahensya ng mga hakbang para sa capacity building, market access, enterprise support, at sustainable livelihood para sa maliliit na prodyuser.

Inaatasan din ang lahat ng ahensya ng gobyerno na direktang bumili ng mga produktong agrikultural at pangisdaan mula sa mga accredited farmers at fisherfolk cooperatives and enterprises (FFCEs).

“Ang nasabing procurement ay hindi sakop ng bidding process, basta’t alinsunod ito sa mga probisyon ng RA 12009 o ang New Government Procurement Act,” ayon sa kautusan.

Dagdag pa rito, inutusan ang mga ahensya, GOCCs, SUCs at LGUs na tiyaking ang mga bigas at iba pang produktong lokal na inihahain sa mga event, canteen, at food service areas ng pamahalaan ay direktang binibili mula sa mga FFCEs.

Layunin ng kautusan na palakasin ang koordinasyon at pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, LGUs, pribadong sektor, akademya, at mga civil society organizations upang isulong ang inclusive at sustainable agricultural growth.

Itinatag din sa ilalim ng EO ang mga Sagip Saka desks sa mga regional at field offices ng Department of Agriculture (DA) na magsisilbing sentro ng impormasyon at tulong sa pagpapatupad ng programa.

Pangungunahan ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Council, na nilikha sa ilalim ng Sagip Saka Act, ang pagsubaybay at pag-uulat sa progreso ng implementasyon tuwing anim na buwan.

Ang Sagip Saka Act, na naisabatas noong 2019, ay naglalayong bigyan ng mas malawak na oportunidad ang mga lokal na prodyuser sa pamamagitan ng value chain integration, produktibidad, at lokal na procurement.

Ayon sa EO, epektibo agad ang kautusan matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here