Home NATIONWIDE Bagong polisiya ng DOE sa carbon credits binatikos ng climate justice advocates

Bagong polisiya ng DOE sa carbon credits binatikos ng climate justice advocates

269
0

MANILA, Philippines — Binatikos ng mga climate justice advocates ang bagong polisiya ng Department of Energy (DOE) hinggil sa pagtatatag ng carbon credit system sa energy sector, na umano’y ipinasa nang walang konsultasyon sa mga eksperto, komunidad, o pagtalakay sa Kongreso.

Ayon sa Peoples Rising for Climate Justice–Philippines (PRCJ-PH), ang inilabas na circular ng DOE noong Oktubre 10 ay “illegitimate at anti-people” dahil magbibigay-daan umano ito sa mga korporasyon, lokal man o banyaga, na bumili ng “cheap offsets” sa halip na bawasan ang sarili nilang carbon emissions.

“It allows polluters to greenwash business-as-usual operations while other Filipino people bear the brunt of environmental destruction and climate disasters,” pahayag ng grupo.

Giit pa ng PRCJ, nilalabag ng patakaran ang soberanya ng bansa sa likas na yaman at binabalewala ang mga makakalikasang solusyon mula sa mga katutubo, magsasaka at mangingisda na siyang tunay na tagapangalaga ng kalikasan.

Dagdag pa nila, lumampas umano sa mandato nito ang DOE sa paglalabas ng naturang patakaran.

Ipinagtanggol naman ng DOE ang circular, sinasabing ito ay alinsunod sa Paris Agreement at bahagi ng mga planong makipag-ugnayan sa Japan, Singapore, at ilang bansa sa Europa para sa bilateral o multilateral na kasunduan sa carbon trading.

Ngunit giit ng PRCJ, hindi maaaring gamiting “blanket justification” ang Paris Agreement dahil kailangan pa rin ito ng enabling legislation.

“Worse, this regulation was railroaded at the department level with little-to-no participation from frontline communities, civil society groups or independent environmental experts,” ayon sa grupo.

Binatikos din ng PRCJ ang DOE sa umano’y pagsasantabi sa Climate Change Commission, na siyang may legal na mandato sa pagko-coordinate ng pambansang polisiya sa klima.

Babala pa ng grupo, kabilang sa mga “eligible mitigation activities” ng carbon credits ang mga proyektong gaya ng mega-dams, malalaking solar at wind farms, waste-to-energy incinerators, at nuclear energy, na anila’y may potensyal ding makasira sa kalikasan.

“Now, under the guise of ‘carbon credits,’ these destructive undertakings will profit twice — from environmental exploitation and from selling off supposed ‘emission savings’ to wealthy polluters abroad,” ayon sa PRCJ.

“This is not a path to decarbonization, but a dangerous new frontier for carbon colonialism,” dagdag pa ng grupo. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here