MANILA, Philippines – Patuloy ang modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at tiniyak ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na hindi ito magpapadistract sa mga paratang ng korapsyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lito Alvarez, general manager ng NNIC, na walang katotohanan ang mga akusasyon ng grupong Puso ng NAIA na umano’y “punô ng iskandalo at malinaw na may bahid ng korapsyon” ang ₱1.5 trilyong kontrata na iginawad sa kumpanya.
Ayon sa grupo, walang makabuluhang pagbabago sa paliparan at tanging “sobra-sobrang singil” umano sa mga pasahero ang naganap.
“Nakakatawa ’yan,” tugon ni Alvarez, sabay bigyang-diin na nakapaglabas na ang NNIC ng P3.25 bilyon, bahagi ng ₱72 bilyong puhunan nito para sa pagpapaganda ng pangunahing paliparan ng bansa.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Alvarez na 283,771 flights na ang naasikaso ng NAIA na nagdala ng 51.7 milyong pasahero sa loob ng isang taon, 2.9 milyon na mas mataas kaysa sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Itinanggi rin ni Alvarez ang paratang ng grupo na ang Public-Private Partnership (PPP) arrangement ay “inihabi para paboran” ang San Miguel Corporation (SMC) at ang pangulo at CEO nitong si Ramon S. Ang.
“Idinaan ng Department of Transportation (DOTr) sa kompetitibong bidding ang proyekto, hindi sa negosasyon,” paliwanag ni Alvarez.
Samantala ang mga tuntunin ng bidding ay itinakda ng pamahalaan, hindi ng mga bidder, at minonitor ng Asian Development Bank (ADB) at ng PPP Center mula sa simula hanggang sa aktwal na pag-award.
Nakuha ng SMC ang proyekto matapos mag-alok na ibigay sa gobyerno ang 82.16% ng kita ng NAIA, ang pinakamataas na alok sa lahat ng bidder, bukod pa sa pagkatugon nito sa lahat ng teknikal at pinansyal na pamantayan.
Ang NNIC, na nilikha ng SMC, ay siyang nagpapatupad ng modernisasyon ng NAIA.
Kaugnay nito tugon ni Alvarez sa alegasyong “ginagatasan” umano ng NNIC ang NAIA para sa SMC: sa loob ng mahigit isang taon, nakapagremit na ito ng mahigit ₱52 bilyon sa gobyerno, kabilang ang ₱30 bilyong paunang bayad.
Sa ilalim ng kasunduan, 82.16% ng kita ng NAIA ay napupunta sa gobyerno, habang 17.84% lamang ang natitira sa NNIC upang pondohan ang ₱1.5 trilyong proyekto. Santi Celario