Home METRO Pulis, hinoldap ng 6 kapwa pulis; P1.2M tinangay

Pulis, hinoldap ng 6 kapwa pulis; P1.2M tinangay

1
0

MANILA, Philippines – Anim na pulis at dating pulis ang kabilang sa siyam na suspek sa umano’y P1.2 milyong robbery sa Caloocan City, kung saan isang kapwa pulis at isang negosyante ang nabiktima.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co nitong Miyerkules, Nobyembre 18, naganap ang insidente noong Lunes matapos makipagkasundo ang dalawang biktima sa isang prospective buyer para sa pagbebenta ng gold bracelet.

Gayunman, bigla umanong binago ng mga suspek ang lugar ng kanilang pagkikita at pinapunta ang mga biktima malapit sa isang convenience store sa Caloocan City.

Pagdating sa lugar, tinutukan umano ng baril ang dalawa at sapilitang kinuha ang kanilang mga gamit.

Kabilang sa mga tinangay ang gold bracelet na nagkakahalaga ng P700,000, isang motorsiklo, tatlong cellphone at isang baril.

Tinatayang P1.2 milyon ang kabuuang halaga ng mga ninakaw na gamit.

Matapos ang insidente, isinakay umano ng mga suspek ang dalawang biktima sa isang sasakyan bago iniwan sa bahagi ng Diliman sa Quezon City.

Sa siyam na suspek, isang police major pa lamang ang naaresto at nahaharap na sa reklamong kriminal.

Kabilang sa iba pang suspek ang isang sibilyan at dalawang indibidwal na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.

Dahil dito, ipinag-utos ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagsisimula ng dismissal proceedings laban sa mga sangkot na aktibong pulis.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang iba pang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here