Home NATIONWIDE Sen. Go, isinusulong ang dagdag-benepisyo sa barangay officials

Sen. Go, isinusulong ang dagdag-benepisyo sa barangay officials

1
0

MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangan ng mas malaking suporta at benepisyo para sa mga opisyal at kawani ng barangay sa kanyang pagdalo sa Pagdayeg 2026: Barangay Governance Excellence Awards sa Pangantucan, Bukidnon.

Ginanap ang programa sa Municipal Gymnasium bilang pagkilala sa mga barangay official at local government worker na nagbibigay ng serbisyo sa kani-kanilang komunidad.

Ayon kay Go, mahalagang kilalanin ang sakripisyo ng mga opisyal ng barangay dahil sila ang unang nilalapitan ng mga mamamayan sa panahon ng sakuna, emergency at iba pang pangangailangan.

“Alam po natin na hindi madali ang trabaho ng ating mga barangay officials. Kayo ang unang nilalapitan ng ating mga kababayan kapag may problema, may sakuna, o may kailangang tulong,” ani Go.

Binati rin ng senador ang mga tumanggap ng parangal at nagpahayag ng pasasalamat sa kanilang patuloy na paglilingkod.

Dumalo sa aktibidad sina Pangantucan Mayor Manolito Garces, Vice Mayor Edward Hernandez, Damulog Mayor Mel Buro, at iba pang lokal na opisyal.

Kasabay nito, muling binigyang-diin ni Go ang kanyang pagsusulong sa Senate Bill No. 178 o panukalang Magna Carta for Barangays na naglalayong palakasin ang suporta sa mga opisyal at kawani ng barangay.

Kabilang sa mga probisyon ng panukala ang pagbibigay ng mas maayos na sahod, allowance, insurance, retirement benefits at iba pang benepisyong tinatanggap ng mga regular na kawani ng pamahalaan.

Isinusulong din ni Go ang Magna Carta of Barangay Health Workers upang mapabuti ang kompensasyon, seguridad sa trabaho at mga benepisyo ng mga barangay health worker.

Samantala, sinuportahan din ng senador ang Republic Act No. 12326 na nagtatakda ng limang taong termino para sa barangay at Sangguniang Kabataan officials.

Sa ilalim ng batas, nakatakdang idaos ang susunod na barangay at SK elections sa Nobyembre 2028.

Binigyang-diin ni Go na mahalagang palakasin ang mga institusyon sa barangay upang mas mabilis na maihatid sa mga komunidad ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan.

Nanawagan din ang senador ng patuloy na pagtutulungan ng mga lokal at pambansang opisyal para sa kapakanan ng mga mamamayan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here