MANILA, Philippines — Nangako si Department of Health (DOH) Undersecretary Gregorio Murillo Jr. ng buong suporta mula sa pambansang pamahalaan para sa mga lokal na pasilidad pangkalusugan sa Surigao del Sur.
Sa ginanap na consultative meeting, nakipagpulong si Murillo sa mga municipal health officer, doktor, social worker, at medical staff ng Adela Serra Ty Memorial Medical Center (ASTMMC) upang suriin ang kalagayan ng mga pasilidad at tagapagbigay-serbisyo sa lalawigan.
Binigyang-diin ni Murillo ang pangako ng DOH na gawing inklusibo at abot-kaya para sa lahat ang serbisyong pangkalusugan.
“There is no discrimination in health services,” aniya.
Kanyang binigyang-pansin ang pangangailangang palakasin ang primary healthcare facilities at super health centers, lalo na sa mga bayan na walang ospital.
“We will provide the infrastructure needed for municipal health offices and centers,” dagdag niya.
Ayon pa sa opisyal, dapat ding bigyang-priyoridad ang rehabilitasyon ng mga district at local government health stations upang matiyak na ang mga ito ay matatag at maaasahan sa panahon ng kalamidad.
“See to it that health facilities will be the last building standing during catastrophic events,” sabi ni Murillo, kaugnay ng mga lindol kamakailan sa Mindanao kung saan ginamit na evacuation site ang ilang health center.
Ipinahayag din ni Murillo ang pamamahagi ng ₱2 milyon na karagdagang pondo para sa mga lokal na health unit sa Surigao del Sur, ₱400,000 bawat isa sa Bislig City, Lianga, at Marihatag, at ₱200,000 naman sa Cortes, Lingig, Madrid, at Hinatuan.
Dagdag pa rito, tig-isang ambulansya ang ipapadala sa Lianga, Tandag City, at ASTMMC bago ang Nobyembre 10 ngayong taon.
Si Murillo, na nangangasiwa sa operasyon ng DOH sa Mindanao, ay bumisita rin sa Barobo Municipal Health Office upang personal na suriin ang kalagayan ng mga tauhan, pasilidad, at medical supplies ng tanggapan. RNT/JGC