Home NATIONWIDE Culion mayor, vice mayor na misis, hinatulang guilty sa child abuse

Culion mayor, vice mayor na misis, hinatulang guilty sa child abuse

323
0

MANILA, Philippines -Hinatulan ng Palawan Regional Trial Court (RTC) si Culion Mayor Cesar “Oyet” De Vera at ang kanyang asawa na si Vice Mayor Maria Virginia Nakachi De Vera ng child abuse matapos mapatunayang sinaktan nila ang isang 15-anyos na binatilyo noong 2018.

Sa 73-pahinang desisyon ni Acting Presiding Judge Ryan Hartzell Balisacan ng RTC Branch 163, idineklara ng hukuman na guilty beyond reasonable doubt ang mag-asawang De Vera sa paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Pinatawan sila ng apat na taon, dalawang buwan at isang araw bilang minimum, hanggang anim na taon at isang araw bilang maximum na parusa sa kulungan, bukod pa sa P15,000 na multa bawat isa.

Inatasan din na bayaran nilang dalawa ang P20,000 bilang moral damages at P20,000 bilang exemplary damages, na may 6% na tubo bawat taon mula sa petsa ng pinal na hatol hanggang sa ganap na mabayaran.

Nag-ugat ang kaso mula sa reklamo ng mga magulang ng biktima, na sinabing pinagbubugbog ang kanilang anak sa loob ng Culion Police Station noong Hunyo 18, 2018, sa panahong si Maria Virginia pa ang alkalde. Ang kanyang asawa na si Cesar, na ngayo’y kasalukuyang alkalde ng bayan, ay itinuring na co-conspirator.

Ayon sa imbestigasyon, magkasabwat umanong sinampal, sinuntok, at hinatak sa buhok ng mag-asawa ang biktima, na tinukoy sa court records bilang “AAA”.

Base sa salaysay ni alyas “AAA”, na ngayon ay 20 taong gulang at nanunungkulan bilang Sangguniang Kabataan chairman, bago ang insidente ay ipinaalam sa kanya ng kaibigan niyang si Reginald Taop na kumilos ang mga pulis ayon sa utos ni Maria Virginia. Kinilala ng biktima ang mag-asawa bilang mga responsable sa pananakit sa kanya.

Isinalang ng prosekusyon ang walong testigo, kabilang ang biktima, mga magulang nito, at ilang saksi sa insidente. Ayon sa korte, kapani-paniwala at matibay ang testimonya ng biktima, na sinuportahan ng iba pang ebidensya at pahayag ng mga testigo.

Binigyang-diin ng RTC na ang ginawa ng mag-asawa ay malinaw na pang-aabuso at pagyurak sa dignidad ng bata, na sakop ng RA 7610.

Nanatiling malaya sa piyansa ang dalawa at may 15 araw mula sa pagtanggap ng desisyon upang magsumite ng motion for reconsideration bago maging pinal ang hatol.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here