MANILA, Philippines -Hinatulan ng Palawan Regional Trial Court (RTC) si Culion Mayor Cesar “Oyet” De Vera at ang kanyang asawa na si Vice Mayor Maria Virginia Nakachi De Vera ng child abuse matapos mapatunayang sinaktan nila ang isang 15-anyos na binatilyo noong 2018.
Sa 73-pahinang desisyon ni Acting Presiding Judge Ryan Hartzell Balisacan ng RTC Branch 163, idineklara ng hukuman na guilty beyond reasonable doubt ang mag-asawang De Vera sa paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Pinatawan sila ng apat na taon, dalawang buwan at isang araw bilang minimum, hanggang anim na taon at isang araw bilang maximum na parusa sa kulungan, bukod pa sa P15,000 na multa bawat isa.
Inatasan din na bayaran nilang dalawa ang P20,000 bilang moral damages at P20,000 bilang exemplary damages, na may 6% na tubo bawat taon mula sa petsa ng pinal na hatol hanggang sa ganap na mabayaran.







