MANILA, Philippines – Nananatiling nakaalerto ang mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), lalo na sa Metro Manila at mga karatig-rehiyon, sa buong linggo dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga biyaherong babalik mula sa kani-kanilang probinsya matapos ang mahabang pahinga dulot ng ASEAN Summit.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Greg G. Pua Jr., layunin nitong matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga reklamo at mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa kaligtasan ng mga pampasaherong bus at iba pang public utility vehicle (PUV).
Sinabi ni Pua na nagpakalat na ang LTFRB ng mga tauhan sa mga transport hub at pangunahing kalsada bago pa magsimula ang pagbiyahe ng mga pasahero patungo sa mga probinsya.
Patuloy rin ang masusing inspeksyon sa roadworthiness ng mga sasakyan, gayundin ang pagsusuri sa pisikal at mental na kahandaan ng mga driver. Tinitiyak din ng mga regional office na sumusunod sa mga pangunahing pamantayan ang mga terminal at transport station.
Nauna nang nag-apruba ang LTFRB ng special permits para sa mahigit 300 pampasaherong bus upang matugunan ang pagdami ng mga biyahero noong mahabang ASEAN break.
Bagama’t marami na ang bumalik sa trabaho at paaralan sa Metro Manila nitong Miyerkules, Nobyembre 18, inaasahan pa rin ang pagdating ng mas maraming pasahero hanggang sa weekend.
Idineklara ng Malacañang na special non-working days ang Nobyembre 16 hanggang 18 sa Metro Manila para sa ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong, na nagbigay ng limang araw na pahinga sa mga estudyante, manggagawa at kanilang pamilya.
Ayon kay Pua, patuloy ding babantayan ng LTFRB ang social media at mga hotline upang agad matugunan ang mga hinaing ng mga pasahero.
Hinimok niya ang mga PUV operator na sumunod sa mga regulasyon, partikular sa pagbibigay ng diskuwento sa pamasahe, maayos na pakikitungo sa mga pasahero at disiplina sa kalsada. RNT/MDS