MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na maghanda ng mga tauhan at suplay bilang pag-tugon sa pag-aalboroto ng Kanlaon at Taal volcanoes sa Negros Island at Batangas, ayon sa pagkakasunod.
Nakaranas ang Kanlaon ng minor explosive eruption noong Huwebes, habang ang Taal ay nagtala ng tatlong minor phreatic at phreatomagmatic eruption noong Sabado.
“LGUs are directed to activate their local disaster risk reduction and management councils, preposition emergency supplies, and ensure the readiness and safety of evacuation centers,” ayon sa DILG.
Hinikayat din ng ahensya ang publiko na magsuot ng N95 mask at maghanda ng mga emergency go bag.
Muling iginiit ng DILG na dapat lumayo ang mga residente sa Taal Volcano Island gayundin sa apat na kilometrong permanenteng danger zone na nakapalibot sa Kanlaon Volcano.
Ang Bulkang Kanlaon ay nasa Alert Level 2 pa rin (moderate level of volcanic unrest), habang ang Taal Volcano ay nasa Alert Level 1 pa rin (low level of volcanic unrest), ayon sa Phivolcs. RNT/MND