MANILA, Philippines – Dumoble ang panukalang budget para sa farm-to-market road (FMR) projects mula P16 billion sa 2026 National Expenditure Program (NEP) tungo sa P32.6 billion sa House-approved 2026 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, saklaw na ngayon ng pondo ang 1,656 proyekto, mula sa 867 sa NEP. “Nadagdagan ng P16 billion… naglilinis tayo sa DPWH pero nailipat ang posibleng isyu sa DA,” aniya.
Sinabi ni Engr. Cristy Cecilia Polido, direktor ng DA Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering, na tanging mga proyekto sa national FMR network plan lamang ang itatayo. Sa P32.6 billion, humigit-kumulang P24 billion ang validated sa network plan, habang P8 billion pa ay hindi pa validated.
Binigyang-diin ni Gatchalian, “Kung wala sa network plan, hindi dapat itayo,” upang matiyak na magagamit ng mga magsasaka at mangingisda ang mga FMR.
Kailangan pa rin ng DPWH ng clearance mula sa DA bago simulan ang konstruksyon para sa validation at feasibility. Ito ay kasunod ng mga alalahanin sa umano’y overpriced na FMR projects na nagkakahalaga ng P10.3 billion noong 2023 at 2024, ilan ay tinaguriang “ghost o semi-ghost projects.” RNT