MANILA, Philippines – DAPAT pang palawakin ni Secretary Henry Aguda ang ginagawang imbestigasyon upang maubos na ang mga “anay” sa loob ng Department of Information and Communications Technology na gustong makanal ang isinusulong niyang reporma sa ahensiya.
Sa pagdinig ng Senate Sub-Finance Committee noong Oktubre 22 na pinangunahan ni Senador Loren Legarda, kinumpirma ni Aguda na sobrang laki nang “tongpats” sa inilaang badyet para sa Free WiFi Project ng gobyerno na pinopondohan mula sa badyet ng DICT.
Sa pagkuwenta ni Legarda, apat na beses (‘four times’) ang presyo sa ‘monthly subscription’ na binabayaran ng gobyerno sa Telcos, partikular sa kanyang lalawigan ng Antique.
Ito ang komento ng mambabatas matapos makatanggap ng isang walang pirmang dokumento simula sa DICT Central Office bago ang nasabing hearing.
Nakalagay sa dokumento ang presyong higit P96,000 bilang ‘monthly subscription’ sa Telcos para sa Free WiFi Project sa Antique.
May idinagdag din na P150 milyon na hindi malinaw ang paggagamitan.
Idiniin naman ni Aguda na wala siyang alam sa paglalabas ng nasabing dokumento at kasalukuyan na itong iniimbestigahan ng kanyang opisina.
Sadya rin aniyang mataas ang nakalagay na monthly subscription dahil lumalabas na P26,000 lang kada buwan ang dapat na bayaran sa Telcos para sa Antique.
Ayon naman kay DICT Undersecretary Christina Faye Condez-De Sagon, sinibak na sa puwesto at kasalukuyan nang iniimbestigahan dahil sa isyu ng korapsyon ang isang opisyal habang isa pa ang inalis na rin ng Palasyo kamakailan.
Aniya pa, patuloy ang ginagawang reporma ni Aguda matapos maitalaga noong Marso ni Pang. Marcos upang matuldukan ang “legacy practices” sa DICT mula sa mga nakaraang administrasyon.
Ani De Sagon, ang mga “nakasanayang gawain” sa DICT ay nagresulta sa korapsyon katulad ng pang-aabuso sa Free WiFi Project, na isa sa ipinagmamalaking proyekto ng Malakanyang.
Noong 2021, una nang nakuwestyon sa Senado ang DICT sa isyu ng ‘overpricing’ sa Free WiFi Project.
Sinabi naman ng mga impormante na “malisyoso” ang pagpapadala kay Legarda ng walang pirmang dokumento at bahagi ng kampanya upang ipahiya ang kalihim sa mga mambabatas.
Anila, ang malalimang imbestigasyon ay dapat magresulta sa pagkakilanlan sa mga taong mistulang mga “anay” na sumisira sa DICT at pinagkakakitaan ang kanilang mga puwesto.
Sa ‘confirmation hearing’ ni Aguda sa Commission on Appointments’ noong Oktubre 1, ipinakalat din sa Senado ang isang “White Paper” na lumabas sa isang online news site kung saan idinawit sila ni Usec. De Sagon sa katiwalian.
Pakay ng mga nasa likod ng pakana na gawin itong dahilan upang ma-bypass ang kanyang appointment.
Wala namang naging epekto ang nasabing White Paper matapos kumpirmahin ng CA si Secretary Aguda. RNT