SINASABI ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na posibleng sa kulungan magpa-Pasko ang ilan sa mga kinasuhan nang kriminal kaugnay ng multi-bilyong flood control scandal.
Para naman sa Independent Commission on Infrastructure, may isa nang irerekomenda nilang makasuhan at may mga susunod pa sa darating na mga linggo.
Kulang-kulang sa 100 katao naman ang isinailalim sa Immigration Lookout Bulletin Order o ILBO o babantayan sa kanilang posibleng paglabas ng bansa at magtago kung saan-saan.
Para sa DPWH, 20 katao ang posibleng makulong lalo’t sinampahan na ng kaso ang mga ito ng Office of the Ombudsman sa mga kaukulang korte, kasama ang Sandiganbayan.
Kabilang sa mga pinangalanang posibleng makulong ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya at DPWH First District, Bulacan engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez and Jaypee Mendoza.
Kinasuhan ang mga engineer sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 9184 (Government Procurement Reform Act) at malversation of public funds.
MGA KULUNGAN NAKAHANDA NA
Nitong nagdaang mga araw, nakapaghanda na ang mga awtoridad ng mga kulungan na matatagpuan sa Quezon City.
Binisita na nga nina Dizon, Ombudsman Boying Remulla at iba pa ang mga kulungan.
Tila kumbinyente ang mga kulungan dahil may kanya-kanyang kama ang mga akusado at tiyak na magkahiwa-hiwalay ang mga babae at lalaki.
Kumbinyente dahil malayo ang magiging kalagayan ng mga makukulong kumpara sa mga municipal, city, provincial at national penitentiary, kasama ang Bilibid.
Saka na lang mapunta sa ordinaryong kulungan ang mga ito kung mapatutunayan silang nagkasala sa mga akusasyon laban sa kanila.
Posibleng magiging malayo rin ang kalagayang pagkain, gamit sa pagtulog at palikuran ang mga ito kumpara sa mga ordinaryong kulungan o national penitentiary na panlalaki o pambabae.
MGA TANONG
Tanong lang natin: May makakasama bang mga kongresman, senador at taga-Palasyo sa mga posibleng makulong?
Paano kung wala?
Paano kung mga sapsap at butete lang ang makukulong?
Kung mangyari ito, saan patutungo ang hustisya para sa bayan na matinding dinurugas, pinagnanakawan at inaabuso?
Bakit walang kasong plunder o pandarambong sa mga isinampang kaso upang hindi makapagpiyansa ang mga may gawa nito?
Paano kung pupwedeng piyansahan lahat at lalaya ang mga akusado sa mga kasong isasampa laban sa kanila?
SARSUELA IWASAN
Kung walang makukulong na kongresman, senador, taga-Palasyo at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno, tiyak na hindi magugustuhan ng taumbayan ang lakad ng hustisya.
Isa ‘yan na malaking pambabastos o panggagago sa taumbayan, lalo na kung iisipin na hindi naman kikilos sa pagnanakaw at pandaraya ang mga sapsap at butete nang walang basbas ang mga buwaya.
Ang masaklap pa, kung sino-sino pa ang mga utak ng mga pagnanakaw, pandurugas at pang-aabuso, sila pa ang posibleng magiging mga saksi laban sa mga sapsap at butete na akusado.
Kung mangyayari ang lahat ng ito, ano kaya ang sasabihin at gagawin ng taumbayan?
Dapat iwas-iwasan ang paggawa ng sarsuela rito.






