MANILA, Philippines – Sinuspinde ang operasyon ng Talisay City Hall sa Cebu nitong Martes ng umaga, Oktubre 28 kasunod ng napaulat na bomb threat, ayon kay Mayor Gerald Anthony “Samsam” Gullas Jr.
Ani Gullas, ang pansamantalang suspensyon ng trabaho ay batay sa rekomendasyon ng Talisay City Police Station bilang precautionary measure upang masiguro ang kaligtasan ng mga empleyado at ng publiko.
“For those planning to come to City Hall to transact, please refrain from doing so until we officially announce that it is safe to return,” saad sa pahayag ni Gullas sa isang Facebook post.
Sa kabila ng pagkaantala, siniguro ng alkalde na ang mga nakatakdang aktibidad kabilang ang wedding ceremony ay magpapatuloy sa ibang lugar.
Nagbabala naman si Gullas sa nasa likod ng bomb threat na pananagutin ito.
“Authorities are now tracing the source of the bomb threat, and if this turns out to be a prank or a malicious act, we will file the appropriate legal charges against those responsible,” aniya.
Hinimok niya din ang mga residente na manatiling kalmado at maghintay ng iba pang update. RNT/JGC