MANILA, Philippines – Muling pangungunahan ni Jia Morado-De Guzman ang 19-strong Alas Pilipinas Women team na tatarget ng gintong medalya sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.
“Nothing less than the gold medal,” deklara ni Ramon “Tats” Suzara, presidente ng Philippine National Volleyball Federation, matapos aprubahan ng association board ang mga napili ni Brazilian head coach Jorge Edson Souza de Brito para sa national team.
Sinabi rin ni Suzara na ang mga miyembro ng koponan ay binunot mula sa propesyonal na liga na Premier Volleyball League at sa University Athletic Association of the Philippines.
Kasama ni De Guzman (Creamline) sa setter position sina Julia Coronel (Galeries Tower), Mars Alba (Akari), habang ang libero ay sina Dawn Macandili-Catindig (Cignal), Jen Nierva (Chery Tiggo) at Justine Jazareno (Akari).
Opposite position ay sina Alyssa Solomon (Osaka Marvelous) at Kat Tolentino (Choco Mucho) at ang outside hitters ay sina Shaina Nitura (Adamson University), Eya Laure (Chery Tiggo), Vanessa Gandler (Cignal), Angel Canino (De La Salle), Bella Belen (Capital 1) at Alleiah Malaluan (PLDT).
Ang mga middle blockers ay sina Dell Palomata (PLDT), Amie Provido (Fe La Salle), Maddie Madayag (Choco Mucho, Thea Gagate (Zus Coffee) at Fifi Sharma (Akari).
Sinabi ni Suzara na magsasagawa ang team ng training camp mula Nobyembre 15 hanggang 30 sa Japan o Taiwan.
Ang indoor volleyball competitions ay nakatakda sa Disyembre 10 hanggang 19 sa Huamark Indoor Stadium sa Bangkok.
Anim na beses nang nanalo ang Pilipinas sa SEA Games women’s volleyball ng gold medal — ang huli noong 1993 sa Singapore—habang ang Thailand ang powerhouse ng rehiyon na may 16 na ginto.JC