PARIS, France — Nahalal bilang bise presidente ng International Boxing Association (IBA) si dating eight-division world champion Manny Pacquiao, ang kinatawan ng boksing na pinagbawalang mag-organisa ng sport sa Olympics.
Ang 46-anyos na Filipino, isa sa pinakamagaling na pound-for-pound fighters sa kasaysayan ng boxing, ay makikipagtulungan kay Kremlin-linked President Umar Kremlev upang bumuo ng mga programang pang-atleta at palawakin ang mga pagkakataon sa mga atleta.
Dating kilala ang IBA bilang Amateur International Boxing Association at nagpatakbo ng sport sa Olympics. Matapos ang paulit-ulit na mga babala sa pinansyal, pamamahala at etikal na alalahanin, pinutol ng International Olympic Committee ang ugnayan sa AIBA bago ang Tokyo Games sa 2021.
Sa 2028 Los Angeles Olympics, ang kompetisyon ay patatakbuhin ng World Boxing.
Sa isang press release ng IBA pagkatapos ng isang pulong sa Maynila, pinuri ni Pacquiao ang “visionary leadership” ni Kremlev.
“Ang IBA ay pumasok sa isang Golden Era — isang panahon kung saan ang bawat boksingero, mula sa bawat bansa, ay maaaring mangarap, lumaban, at magtagumpay sa pantay na termino,” sabi ni Pacquiao.
“I am proud to join this mission — to make sure na walang batang boksingero ang maiiwan, walang kampeon ang malilimutan, at walang bansang hindi kasama.”
Sinabi ng IBA na gaganap ng aktibong papel si Pacquiao sa pagsusulong ng misyon at pagpapahalaga ng organisasyon.
“Ilalaan ko ang aking sarili sa pagbuo ng mga tulay – sa pagitan ng mga baguhan at propesyonal, sa pagitan ng Silangan at Kanluran, sa pagitan ng mga henerasyon at kultura,” sabi niya.
Si Pacquiao ay nagmula sa pagiging teenage street vendor tungo sa isa sa mga pinakadakilang boksingero sa lahat ng panahon, pinaikot ang kanyang katanyagan sa mga karera sa pulitika at maging sa pagkanta.JC