MAAGANG makakauwi si Alex Eala at ang kanyang partner na si Chan Hao-ching matapos mabigo sa opening round ng 2025 Prudential Hong Kong Tennis Open.
Natalo sila sa tiebreak laban kina Aliaksandra Sasnovich ng Belarus at Kamilla Rakhimova ng Russia, 6-3, 1-6, 7-10, sa loob ng 1 oras at 27 minuto ng labanan.
Malakas ang panimula ng tambalang Eala-Chan matapos masungkit ang unang set, subalit nabigo silang mapanatili ang momentum nang lumakas ang kanilang kalaban sa ikalawang set.
Hindi na nakabawi ang Filipina sa deciding tiebreak kung saan nanaig ang mas matatag na depensa ng pares mula Belarus at Russia.
Gayunman, hindi pa tapos ang kampanya ni Eala dahil babalik siya sa court kinabukasan para sa kanyang singles match kontra kay Katie Boulter ng Great Britain.
Ang Hong Kong Open ay ang ika-anim na yugto ng Asian tour ni Eala, na nagsimula pa sa Jingshan, China noong katapusan ng Setyembre. GP