MANILA, Philippines – Tatlong araw bago ang undas, makikitang maluwag pa ang sitwasyon sa ilang bus terminal sa Cubao, Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.
Wala pang mahahabang pila at may kaluwagan pa sa mga passenger area ng mga biyahero patungong probinsya.
Samantala, sa isang bus terminal, fully booked na ang mga first class at deluxe buses papuntang Baguio City ngayong Miyerkules. Ang mga regular air-conditioned buses na lamang ang available patungo dito.
Maaari namang mag-book online upang makaiwas sa abala at agad makita ang iskedyul ng mga biyahe papuntang Baguio.
Para naman sa mga biyahe patungong Olongapo, Zambales, at Pangasinan, maluwag pa ang mga bus, at maaari pang bumili ng ticket direkta sa booth para sa mga walk-in passengers.
Sa mga rutang patungong Bicol, nananatiling maluwag ang sitwasyon sa isang bus terminal sa Cubao.
Ayon sa mga dispatcher, inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero sa gabi ng Huwebes, October 30, dahil sa nalalapit na paggunita ng Undas. RNT/MND