MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naghatid ang ahensya ng 2,500 family food packs (FFPs) sa Tipo-Tipo, Basilan bilang agarang pagtugon upang mapagaan ang sitwasyon ng mga pamilyang naapektuhan ng bakbakan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong Martes (Oktubre 28).
“Dumating na sa Isabela City, Basilan nitong Martes ang 2,500 family food packs mula sa DSWD bilang paunang tulong para sa mga pamilyang lumikas dahil sa tensyon sa Tipo-Tipo. Patuloy ang koordinasyon [natin] sa lokal na pamahalaan para sa karagdagang suporta at interbensyon,” ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian sa kanyang post sa Facebook nitong Wednesday (October 29).
Ang mga FFP ay inihatid sa pamamagitan ng “Roll on-Roll off” (RoRo) vessel bilang bahagi ng pangako ni DSWD Secretary Gatchalian na magbigay ng mabilis na suporta sa mga apektadong pamilya.
Ayon sa DSWD nang pumutok ang balita tungkol sa tensyon, agad na nakipag-ugnayan ang DSWD chief sa DSWD Field Office 9 (FO)-Zamboanga Peninsula para maging full alert habang inihahanda ang mga FFP at iba pang non-food items (NFIs) para sa transportasyon.
“Sabihin mo sa alkalde ng Tipo-Tipo at sa gobernador ng Basilan na ang DSWD ay handang tumulong sa kanila kung sakaling may mga internally-displaced persons. Keep me updated,” sinabi ng DSWD chief sa kanyang text message sa FO-9 Regional Director Riduan Hadjimuddin nitong Martes habang nagaganap ang tension.
Sa ulat kay Secretary Gatchalian, sinabi ni Undersecretary Alan Tanjusay ng Peace and Development Group (PDG) na ligtas ang lahat ng 14 na social worker na nagsasagawa ng cash-for-work sa Isabela, Basilan nang mangyari ang bakbakan.
Iniulat din ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Tipo-Tipo na nasa 1,400 pamilya o 7,000 indibidwal ang lumikas at agad na tinulungan ng local government unit (LGU) kasama ang DSWD FO-9.
Ang DSWD sa Zamboanga Peninsula ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa LGU ng Tipo-Tipo upang matukoy ang iba pang tulong na kailangan at upang matiyak ang mabilis na paghahatid, kung kinakailangan. (Santi Celario)