GENERAL SANTOS CITY – Humakot ng anim na gintong medalya ang batang archer mula sa Davao City sa katatapos na competition sa archery sa Batang Pinoy.
Isang sharpshooter sa patudla sa larangan ng archery, Abegail Jane Lim ay halos hindi pinawisan sa pagsungkit ng anim na gintong medalya sa Batang Pinoy.
Sa unang araw ng kumpetisyon agad na sumungkit pambato ng Davao Christian High School ng tatlong ginto at sa pagsasara ng kumpetisyon ay sumungkit din ito ng tatlo pang medalya.
Ayon sa ina nito at coach na si Joane Lim, natutuwa siya na focus ang kanyang anak sa competition kaya nito nakuha ang anim na gintong medalya.
Sa kanyang husay at galing, marami ang naniniwala na makapapasok si Abegail sa national team.
“Pangarap ko po na makapasok sa national kaya lalo kong ginagalingan sa bawat kumpetisyon na aking nilalahukan,” ayon sa kwento ng Grade 11 student na si Abegail.
Bumida naman sa Team Baguio si Chass Mhaiven Colas at Jianna Delos Reyes na umararo tig-apat ng gintong medalya sa archery.
Ayon sa kanilang coach na si Ryan Jucutan, masigasig ang dalawa na makakuha ng maraming medalya sa archery para sa makatulong sa over all medal tally ng kanilang koponan.
Target ng dalawa na makapasok rin sa national team at kung hindi man umano papalarin ay sasabak sila sa mga international competition.
Inamin ng dalawang arher ng Baguio na patuloy silang mag-eensayo para lalong humusay sa kanilang paboritong sports – archery.RICO NAVARRO