Home METRO ICI, palakasin pa – Tiangco

ICI, palakasin pa – Tiangco

222
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang isang panukalang batas na layong palakasin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), para bigyan ito ng mas malawak na kapangyarihang imbestigahan ang katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan.

Inihain ni Tiangco ang House Bill No. 5699, na naglalayong lumikha ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) na magsasagawa ng pagdinig at imbestigasyon sa lahat ng anomalya at kontrobersiyang may kinalaman sa mga proyekto ng imprastruktura.

“Humihingi ang taumbayan ng isang mekanismo upang matiyak ang pananagutan at transparency sa infrastructure projects ng gobyerno, na matagal nang nagiging ugat ng katiwalian,” sabi ni Tiangco.

“Naiinip na ang taumbayan. Kailangan na nating bilisan ang aksyon at bigyan ng kapangyarihan ang ICAIC upang mapanagot ang mga may kagagawan ng mga anomalya, hindi lamang para sila ay makulong dahil sa pang-aapi sa ating mga kababayan, kundi para mabawi rin ang kanilang ninakaw,” dagdag pa niya.

“Kapag ang panawagan para sa pananagutan ay malakas nang naririnig sa lahat ng antas ng lipunan, hindi dapat magbulag-bulagan ang pamahalaan. Dapat itong kumilos nang mabilis upang tugunan ang panawagan ng publiko at matiyak na maipapataw ang pinakamataas na antas ng pananagutan at parusa,” dugtong pa ng mambabatas.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang ICAIC, kasama ang pagsang-ayon ng mga kaukulang ahensya, ay magkakaroon ng kapangyarihang magsampa ng kaso, mag-isyu ng subpoena, at humiling ng preventive suspension at hold departure orders laban sa mga opisyal na pinaghihinalaang sangkot sa korapsyon.

“Sa mga nagdaang hearing, nakita naman natin ang limitasyon ng ICI sa powers nilang mag-imbestiga. Wala silang power to issue contempt kapag hindi nag-appear ang mga naisyuhan nila ng subpoena. Binigyan din natin sila ng power to issue hold departure orders, at mag-apply sa korte para makarekober, at mag-sequester ng properties,” paliwanag ni Tiangco.

Ayon kay Tiangco, ang ipinapanukalang komisyon ay magsisilbing paraan upang mapalakas ang kasalukuyang kakayahan ng ICI na mas epektibong mag-usig ng mga kaso.

Nilinaw din ni Tiangco na ang panukalang ICAIC ay hindi papalit o manghihimasok sa mga tungkulin ng Office of the Ombudsman o ng Department of Justice.

“Ang mga natuklasan at rekomendasyon ng komisyon ay layong tulungan ang Office of the Ombudsman o ang Department of Justice, kung kinakailangan, sa pagbuo ng kaso at pag-usig. Ito ay upang matiyak na ang mga kasong isinasampa sa korte ay matagumpay na maisusulong at magkakaroon ng paghatol. Kapag nakita ng publiko na napapanagot ang mga opisyal ng gobyerno, maibabalik ng pamahalaan ang tiwala at kumpiyansa ng taumbayan,” ani Tiangco. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here