MANILA, Philippines – Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung paano niya nilapitan si Chinese President Xi Jinping sa 32nd APEC Summit sa South Korea.
”The only time I was able to speak to President Xi Jinping was in our last leaders retreat meeting. And the reason why, ang hirap lapitan talaga. You know, we’re held in, meron kami holding room. But every time he comes in, he’s surrounded by security. Ang hirap lapitan. Ayoko namang mamilit. Baka suntukin pa ako ng security guard niya,” ani Marcos.
Sa kabila nito, nakipagkamay pa rin si Marcos kay Xi kasabay ng pagbati nito sa pag-host ng China sa APEC Summit sa susunod na taon.
”But when we came to the end, sabi ko, nakakahiya ito. Hindi pa ako bumabati. Baka kung anong sabihin, baka naman ma-offend. So pinilit ko makapunta sa kanya. I said, ‘congratulations on your assumption for the chair for the following APEC,”’ sinabi ni Marcos sabay-sabing ang ginawa niya ay isang “common courtesy.”
Matatandaan na mayroong hidwaan ang Pilipinas at China pagdating sa pinag-aagawang West Philippine Sea o bahagi ng South China Sea na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
Sa kabila nito, paulit-ulit na iginigiit ng China na ang soberanya sa halos buong South China Sea ay sa kanila.
Noong Martes, sinabi ni Marcos na umaasa siyang matatapos na ang Code of Conduct sa South China Sea sa oras na mag-host ang Pilipinas ng ASEAN Summit sa susunod na taon.
Sa kabila nito, sinabi ng Pangulo na ang APEC Summit ay hindi isang venue para pag-usapan nila ni Xi ang isyu sa West Philippine Sea. RNT/JGC