Home NATIONWIDE Functional illiterate Filipinos dumoble sa 24.8M noong 2024 – EDCOM 2

Functional illiterate Filipinos dumoble sa 24.8M noong 2024 – EDCOM 2

324
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) matapos ibunyag na halos doble na ang bilang ng mga functional illiterate o mga Pilipinong hirap gumamit ng batayang kasanayan sa pagbasa at pagsulat mula 14.5 milyon noong 1990s tungo sa 24.8 milyon noong 2024.

Sa pagdinig ng EDCOM 2 hinggil sa mandato ng Department of Education (DepEd), lumabas din na nakikilahok ang ahensya sa 261 interagency bodies, na ayon sa komisyon ay nakaaapekto sa kakayahan nitong matutukan ang krisis sa functional illiteracy.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kabilang sa mga ito ang 20 konsehong pinamumunuan mismo ng DepEd at 21 iba pa na pinagsasaluhan nila ng CHED at TESDA.

Tinukoy ng EDCOM 2 na noong unang ulat nito, 63 lamang ang ganitong mga konseho na dinadaluhan ng DepEd—malayong mas mababa kumpara sa kasalukuyang bilang.

“Sa halip na matutukan ang batayang edukasyon, nalalayo ang DepEd sa layunin nitong bawasan ang functional illiteracy,” ayon sa ulat ng komisyon.

Batay sa Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) 2024, ang functional illiteracy ay kakulangan ng kakayahang magamit ang pagbasa at pagsulat sa pang-araw-araw na sitwasyon.

Ipinaliwanag ni EDCOM Executive Director Karol Mark Yee na nadaragdagan ang trabaho ng mga guro dahil sa mga bagong batas na nag-aatas sa kanila ng mga tungkuling hindi pagtuturo—gaya ng vision screening (RA 11358), pagtulong sa 4Ps (RA 11310), feeding programs, at pagiging Disaster Risk Reduction Coordinator (RA 10121).

Dahil dito, nababawasan ang oras ng mga guro sa aktwal na pagtuturo at bumababa ang kalidad ng pagkatuto ng mga estudyante.

Tinukoy din ng DepEd na naglalayon silang magkaroon ng isang administrative officer (AO) sa bawat pampublikong paaralan bago matapos ang 2026 upang maibsan ang bigat ng non-teaching workload.

Ayon kay Angara, nananatiling malaking hamon ang kakulangan ng pondo sa pagpapatupad ng mga batas sa edukasyon gaya ng Alternative Learning System (ALS), Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, at Mental Health and Well-Being Promotion.

“Tinatayang higit ₱1 trilyon ang kakailanganing pondo kung ipatutupad nang buo ang lahat ng batas sa edukasyon,” ani Angara.

Samantala, tiniyak ni Sen. Loren Legarda na susuportahan niya ang karagdagang pondo para sa ALS at edukasyon ng mga katutubo (IP Ed).

“I would be happy to receive that and fight for it… I commit that I will fund the IP Ed increase and the ALS,” pahayag ni Legarda. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here